Nanay na 10 taon nang hinahanap ng anak natagpuan dahil sa FB post kaugnay sa nawawala nitong aso

Imahe via Purpaws | Facebook
  • Tinulungan ng animal rescue team na maipaabot sa social media ang paghahanap ng isang nanay sa kanyang aso
  • Subalit nang maging viral ang kanilang post, naging daan ito upang matuklasan ng anak ni nanay ang kanyang kinaroroonan
  • Muling nagkausap ang dalawa matapos ang sampung taong hindi nagkita

Minsan, tila nagsisilbing anghel ang mga hayop at narito ang isang kuwento na magpapatunay niyan.

Imahe via Purpaws | Facebook

Isang nanay sa General Santos City ang tinulungan ng animal rescue team na Purpaws na maibahagi sa kanilang FB page ang paghahanap nito sa kanyang aso. Kinuha raw kasi ito sa kanya. Si nanay ay nakilala sa pangalang Jocelyn. Kapansin-pansing may kahinaan siya sa pag-iisip at pananalita.

Siya ay kadalasang naglalakad sa highway ng lungsod kasama ang kanyang alaga. Minsan na ring nahandugan ngPurpaws ng bagong tali ang aso ni nanay.

Nakunan ng litrato ng Purpaws ang kanyang aso bago pa man ito nawala. Makikitang kulay puti ang kanyang alaga na may halong kayumanggi sa katawan.

Tumulong ang mga netizens sa pag-share ng post na iyon hanggang sa makarating ito sa Bukidnon. Tagaroon pala ang mga kamag-anak ni nanay. Nakatanggap ng mensahe ang Purpaws mula kay Joan Francisco Contapay na nagsabing nanay niya si Jocelyn. Sampung taon na umano silang hindi nagkikita. Ayon sa kanya, mahilig daw talagang maglakbay ang kanyang ina. Minsan, nasa karatig bayan daw ito ng Polomolok, South Cotabato.

Nakipag-ugnayan din ang pamangkin ni nanay na si Nica Contapay Apura. Napaiyak raw siya nang makita ang post ng grupo.

‘Di inaasahan ang mga pangyayaring iyon. Ang simpleng paghahanap sa nawawalang aso ay naging daan upang matunton ng anak ang kinaroroonan ng kanyang ina. Malaking hakbang ito upang maibalik si nanay sa kanyang pamilya. Mag-isa na lang daw kasi siyang namumuhay. Dahil dito, nagbigay na rin ng groceries at pangunahing pangangailangan ang rescue team sa kanya.

Imahe via Purpaws | Facebook

Sa tulong ni Bong Samulde ng Micropets Petshop na katuwang ng Purpaws, nakausap ni nanay ang kanyang anak at pamangkin. Ayaw na raw nito bumalik ng Bukidnon subalit mas maaalagaan siya ng kanyang pamilya roon kaya inasikaso ng Purpaws ang pagkuha sa kanya sa siyudad.

Samantala, patuloy pa rin na humihingi ng tulong ang Purpaws sa kung sino man ang nakakita ng aso ni nanay Jocelyn dahil ramdam nilang nag-aalala ito sa kanyang alaga. Ito na lang din ang kulang para maging buo muli ang kanyang pamilya.

Source :

Facebook, Facebook, FB

Loading…