Tatay na maagang nawalan ng paningin kumakanta, naggigitara at nagagawa pa rin ang kanyang mga gawain

Imahe kuha mula sa video ni Ronald Ancero Casil via Facebook
  • Nakamamangha ang talento ng isang tatay na nawalan man ng paningin, magaling ito sa pagkanta at pagtugtog ng gitara
  • Pitong taong gulang pa lamang daw siya nang dapuan ng karamdaman at naging dahilan ng kanyang pagkabulag
  • Alamin kung ano pa ang kayang gawin ni tatay kahit na hindi siya nakakakita

Kung sa tingin mo nahihirapan ka na sa iyong kalagayan, narito ang isang tatay na magpapaalala sa atin na sa tamang pananaw kaya nating makaraos sa buhay.

Imahe kuha mula sa video ni Ronald Ancero Casil via Facebook

Bitbit ang kanyang gitara, madamdaming kumakanta at tumutugtog si Tatay Viviano Narisma na taga Guindulman, Bohol. Tampok siya sa videong ibinahagi ni Ronald Ancero Casil sa social media. Sa edad nitong halos 60 taong gulang bakas pa rin ang sigla sa kanyang boses kahit na hindi siya nakakakita.

Ayon sa post ni Ronald, pitong taong gulang pa lamang daw si tatay nang madapuan siya ng tigdas na siyang dahilan ng pagkawala ng kanyang paningin. Subalit hindi ito naging hadlang upang mamuhay siya nang normal.

Nakapag-asawa si tatay at biniyayaan pa ng apat na anak. Kahit na hindi nakakikita o nakaaaninag man lang, maraming mga gawain ang kaya pa rin niyang gampanan gaya ng pagluluto, pagsibak ng kahoy, pangangahoy at pag-akyat ng puno ng niyog para kumuha ng tuba na siyang pinagkakakitaan nila.

Imahe kuha mula sa video ni Ronald Ancero Casil via Facebook

Sa bukid si tatay naninirahan at ang kamangha-mangha pa, kaya nitong maglakad paakyat at pababa ng bundok nang mag-isa.

At siyempre ang kanyang talento sa pagkanta at pagtutog ng gitara ay tunay na nakabibilib kung paano niya yon natutunan kahit na maaga siyang hindi na nakakikita. Noong 30-40 taong gulang pa raw si tatay na kilala rin sa pangalang Beng, sumasali siya sa mga amateur singing contest sa Cagayan de Oro.

Maraming beses nang napatunayan ng iba na ang pagkakaroon ng kapansanan ay hindi katapusan ng ating pangarap. Ito ay gawin nating inspirasyon upang lalo tayong magsumikap para sa ating kinabukasan.

Panoorin ang pagkanta ni Tatay Beng sa video na ibinahagi ng CDN Digital.

Source :

Facebook

Loading…