Aso agaw eksena sa isang photoshoot, sa kabila ng ngiti may iniinda palang itong karamdaman

Imahe via Rubyang Garnace Olbinado | Facebook
  • Tila naging photobomber ang isang aso sa photoshoot ng magsing-irog para sa kanilang prenup
  • Bigla na lamang itong pumasok sa eksena at tiyempong bumandera ang mukha pagkakuha ng larawan
  • Subalit sa likod pala ng ngiti nito, may iniinda itong sakit na siyang ikinalungkot ng mga naaliw sa larawan niya

Ang prenup pictorial ay isa sa pinaghahandaan ng magiging mag-asawa. Damit na naaayon sa tema, makeup, lokasyon at photographer ang siyang mga sinisiguro na kumpleto sa araw ng pagkuha sa litrato.

Imahe via Rubyang Garnace Olbinado | Facebook

Subalit minsan, may mga kaganapang hindi inaasahan na nagdulot ng pagkaaliw ng mga kabilang sa okasyong ito.

Ibinahagi ni Rubyang Garnace Olbinado sa Furr Lovers PH ang larawan na magpapangiti sa sino mang animal lover. Sa kuhang ng kanyang kapatid na siyang photographer ng couple, hindi ang magsing-irog ang naging bida sa kundi isang aso na basta na lang lumapit at ibinandera ang kanyang mukha.

Tila naging photobomber siya at umagaw ng atensyon sa larawan. Naaliw ang mga netizens sa kakyutan ni doggy na nakangiti pa.

Siya pala ay si Thomas, asong alaga ni Rubyang. Nang pumunta sila sa lokasyon ng photoshoot sumama ito pati na ang isa pa nilang alaga. Sa katunayan, hindi lang makikita sa larawan, ngunit ang isa pang aso ay nasa likuran ng couple.

Sa panayam ng Kicker Daily News kay Rubyang, ipinaliwanag nito kung bakit Thomas ang pinangalan dito.

“2013 po noong pinanganak si Thomas. Pinangalan po namin siya sa MV Thomas Aquinas na lumubog noon. Bale 7 years old na po siya ngayon.”

Siya ay bigay ng kapatid ng kanyang ina.

Imahe via Pixabay

Subalit sa likod ng matamis na ngiti ni Thomas, may iniinda pala itong sakit.

“There’s a painful truth behind that smile. Actually, si Thomas po ay may bukol-bukol sa katawan which we suspect na cancer. But I’m praying and hoping na umabot siya at umeksena din sa prenup ko soon.”

Kaya maliban sa pagkaaliw ng mga netizens, nagdulot din ito ng lungkot sa kanila. Marami ang nagpayo kay Rubyang na ipagamot ito sa vet. Ipinaliwanag naman ni Rubyang na gusto niya ring gawin iyon ngunit kulang pa siya sa pondo ngayon dahil kapapagamot niya lang sa isa pa niyang aso na nagkaroon ng ascites.

Nakamamangha lang na sa kabila ng sakit nito ay sumama siya sa lakad ng kanyang mga amo at naghatid pa ng good vibes sa atin. Sana’y maipagamot si Thomas sa lalong madaling panahon upang makapiling pa siya nang matagal ni Rubyang.

Samantala, salamat, Thomas. Napangiti mo kaming lahat!

Source :

Facebook

Loading…