Aso araw-araw nakalilibre ng pandesal dahil sa pagiging mabait sa tinderong naglalako nito

Imahe kuha mula sa video ni Romina Yabot Parumog via Facebook
  • Isang aso ang paboritong hintuan araw-araw ng lalaking naglalako ng pandesal
  • Ito ay dahil imbes na habulin, inaabangan siya ng aso at tuwang-tuwa ito kapag nakikita siya
  • Kaya bilang gantimpala sa pagiging mabait, may libreng pandesal siya sa bawat pagkikita nila

Ang paglalako ng pagkain ay hindi biro. Tiyaga at sipag ang kailangan para makabenta. Lalo na’t mapadpad ka sa isang lugar na maraming nakatambay na aso. Tiyak na kakabahan ka sa iyong pagdaan.

Imahe kuha mula sa video ni Romina Yabot Parumog via Facebook

Subalit isang aso ang paboritong puntahan ng lalaking naglalako ng pandesal. Sa post ni Romina Yabit Parumog sa Furr Lovers PH, ikinuwento nito na araw-araw ay hinihintuan ng tindero ang kanilang bahay dahil sa aso niyang si Shadow. Ayon kasi kay manong, buong buhay niya raw, ngayon lang siya sinasalubong ng aso. Kadalasan daw kasi, hinahabol siya ng mga ito. Kaya naman bilang reward, may libreng pandesal si Shadow kada magkita sila.

Ibinahagi ni Romina ang video kung saan aktong dumating si manong at inaabangan siya ni Shadow. Sa malayo pa lang nagtatahol na ang aso at nang malapit na si manong, nagtatalon siya sa tuwa. Itinabi muna ni manong ang kanyang bisikleta at dumukot ng pandesal upang ibigay kay Shadow.

Tuwang-tuwa ang aso sa ilang pirasong kinain niya. Bumili na rin si Romina at habang inilalagay ni manong ang pandesal sa supot, hindi pa rin umaalis ang aso sa kanyang tabi, nagbabakasakaling mayroon pang dagdag na tinapay para sa kanya. Hindi nga siya nabigo dahil pagkabigay ng supot kay Romina, binigyan pa siya ng ilang piraso.

Kung sa araw-araw ba naman ay may nakasasalubong kang ganito ay mapapawi talaga ang pagod mo. Pati mga netizens ay naaliw sa good vibes na hatid nito.

Imahe kuha mula sa video ni Romina Yabot Parumog via Facebook

“Katuwa naman ang bebe, may paglundag pa talaga kay manong. Sana laging ubos ang tinda mo. God bless po.”

Samantala pinuri rin si manong dahil sa pagiging mabait at mapagbigay sa aso.

“Kadalasan kung sino pa ang mahirap lang din, sila pa ang may malalaking puso para sa mga hayop. I salute you po, manong. God bless po.”

Ang mga hayop ay nakatatanda sa mga taong mababait sa kanila. Di bale nang malugi ng ilang pirasong pandesal ngunit ang saya na hatid ng init ng pagbati nito kay manong ay wala namang kapantay.

Panoorin ang video ni Romina sa kanyang FB post. Nakatutuwa talaga sila, ‘di ba?

Source :

Facebook

Loading…