Asong nakatayo sa halos abot-leeg na tubig ulan agaw-pansin sa mga netizens: ‘Wag n’yo po sanang iwan yung dog’

Imahe via Hannah Ashley | Facebook
  • Nanawagan ng saklolo sa social media ang isang residente dahil sa pagtaas ng tubig sa kanilang lugar
  • Sa mga larawang kanyang in-upload, agaw-pansin sa mga netizens ang aso na nakatali pa at nakatayo sa halos abot-leeg na tubig
  • Bumuhos ang pag-aalala ng mga netizens ngunit napawi naman ito nang malamang isinama sa paglikas si doggy

Nobyembre 11, napuno ng balita at larawan ang social media ng mga pangyayari habang nagland-fall ang bagyong Ulysses sa bansa.

Imahe via Hannah Ashley | Facebook

Naging paraan din ang social media para manawagan ang mga residenteng humihingi ng saklolo para mailigtas sila sa tumataas na tubig dulot ng ulan.

Isa na rito si Hannah Ashley na nag-upload ng ilang larawan sa sitwasyon sa kanilang lugar sa Camarines Sur bandang alas-kuwatro ng hapon.

“Lowbat na po cp ko. Tulungan n’yo po kami . @Boclod San Jose Cam.Sur. Zone 3 River side.”

Dahil hindi nakalikas bago pa man dumating ang bagyo, naabutan ng pagtaas ng tubig ang kanilang pamilya. Isa sa mga larawan nito ang nakatawag pansin sa mga netizens. Makikita rito ang isang batang babae na may bitbit na papel na nakabalot sa plastic. Tingin ng mga netizens ay baka module raw ito at pilit niyang sinasalba. Ngunit higit sa lahat, mas kapansin-pansin ang isang aso na nakatali at nakatayo sa halos abot-leeg niya na tubig baha.

Imahe via Hannah Ashley | Facebook

Bumuhos ang pag-aalala ng mga netizens at inilabas nila ito sa comment section.

“Sana po tinanggal ang kadena ng aso sa pagkakatali sa poste o ano man yan. Sana isinama nila.”

“Wag n’yo po sanang iwan yung dog.”

“Sana di n’yo rin poh nakalimutan ang aso na nasa picture. Pati rin po siya kailangan iligtas at bakas po sa mukha n’ya yong takot at di alam ang nangyayari.”

Kita sa larawan na balisa at naguguluhan din si doggy. Alam nating mas may kakayahan tayong mga tao na maililigtas ang ating sarili ngunit  ang mga hayop minsan ay umaasa lamang sa atin sa mga ganitong pagkakataon. Kaya matindi ang paalala ng mga animal rescue groups na huwag kalimutan ang mga alaga at isama sa paglikas.

Imahe via Nico Verano Agnas | Facebook

Napawi lamang ang pangamba ng mga netizens nang ibinalita ni Nico Verano Agnas na ligtas na si doggy at ang pamilya ni Hannah.

Aniya, “Sa mga nagtatanong po kung na-rescue yung aso, ligtas na po siya at nasa maayos na kalagayan po siya.” Kasabay nito ang larawan kung saan bitbit niya ang alaga.

Tao man o hayop, ang bawat buhay ay mahalaga. Kaya panatilihing ligtas ang mga sarili at sagipin ang mga nangangailangan ng tulong.

Loading…