Aso ilang araw nang naghihintay sa labas ng ospital matapos lumisan ang amo nito dahil sa sakit

Imahe via Emman Teoxon | Facebook
  • Ilang araw nang naghihintay sa labas ng ospital ang isang aso
  • Hindi pala nakaligtas sa sakit ang amo nito at sa ospital niya ito huling nakita 
  • Tila isang Pinoy Hachiko ang tawag dito ng concerned citizen na nakilala si doggy at ibinahagi ang kanyang istorya sa social media

Nakilala ang asong si Hachiko ng Japan sa buong mundo dahil sa istorya ng walang kupas na katapatan at pagmamahal sa kanyang amo kahit na ito ay yumao na dahil sa sakit. Halos sampung taon itong pabalik-balik sa istasyon ng tren dahil umaasa itong makikita pang muli ang amo.

Imahe via Emman Teoxon | Facebook

Sa Pilipinas, may isang aso na tila kahalintulad ni Hachiko ang kuwento.

Ayon kay Emma Teoxon, nasaksihan raw nila mismo ng partner niya kung paano naghintay ang aso sa labas ng Valenzuela General Hospital, Valenzuela City. Napansin nilang nakaupo lang ito at nakatingin daw sa labas ng ospital, na tila may hinihintay.

Nilapitan nila ito at nagulat silang maamo pala si doggy. Lumapit din ito sa kanila at pumayag itong mahawakan siya at kumakawag pa ang buntot nito. Maya-maya lumapit ang isang hospital staff na kapitbahay nila at ipinaliwanag nito ang malalim pang kuwento ni doggy.

Limang araw na ang nakalilipas nang kinuha ng ambulansya ang amo ni doggy dahil inatake ito sa puso. Sumunod ito sa sasakyan at sa awa ng drayber dahil hingal na hingal na ito sa katatakbo, pinasakay na rin siya sa ambulansya. Ngunit pagdating sa ospital, hindi na siya pinapasok. Sa kasamaang palad, hindi nakaligtas ang amo ni doggy. Mula noon, lagi nang nag-aabang ang aso sa labas ng ospital; umaasang babalik pa ang kanyang amo. Sa mukha nito, kita raw ang lungkot at pangungulila.

Nakikilala na rin siya ng mga tao sa paligid. May fish vendor na nagkuwento na nawala raw ng isang araw si doggy. Baka kinuha raw ito ng kamag-anak. Ngunit bumalik pa rin ito sa tapat ng ospital.

Imahe via Emman Teoxon | Facebook

Ang magandang balita, marami ang nagmamalasakit sa aso kaya nabibigyan ito ng pagkain at tubig. Nagpahayag naman si Emman na magpapakain siya rito at magbibigay ng silungan. Ngunit umaasa rin siya na makukuha si doggy ng kamag-anak ng amo nito o ‘di kaya’y may mabuting puso ang kukupkop dito upang maalagaan siya.

Wala mang makatutumbas sa memorya at pagmamahal ng aso sa namaalam niyang amo, sana’y makatagpo siya ng bagong amo na tunay na magmamahal sa kanya.

Panoorin ang kuhang video ni Emman dito.

Source :

Facebook

Loading…