Magsasakang napaalis sa inuupahan nang ‘di makabayad; inspirasyon na ngayon dahil sa kanyang pagbangon

Imahe via Helen Cullo | Facebook
  • Dating bumibili at nagtitinda ng pakwan si Helen ng Aklan
  • Dahil sa maraming anak na binubuhay at pinapaaral, minsan siyang hindi nakabayad ng upa at napalayas
  • Ngunit sa pagsusumikap kasabay ng minimithing pagbangon, nakamit niya ang pag-asenso makalipas ang ilang taon

Sa sipag at tiyaga, nakaraos ang isang magsasaka ng pakwan. Ngunit matinding paghihirap din ang kanyang napagdaanan bago narating ang ginhawa. Dahil hindi siya sumuko at nanatiling bukas sa pag-asa, nalampasan niya ito lahat.

Imahe via Helen Cullo | Facebook

Ibinahagi ng Kapuso Mo Jessica Soho ang kuwento ni Helen Cullo ng Aklan. Siya ay lumaki sa pamilya ng magsasaka. Maging ang napangasawa niya ay isa ring magsasaka.  Sila ay dating nagtatanim ng mga gulay at nagbebenta ng mga biniling pakwan.

Taong 2000, dalawang buwan siyang hindi nakabayad ng renta. Hirap siya nang mga panahong iyon dahil may pinapaaral siya sa kolehiyo at may maliit pang anak na naggagatas. Pinuntahan siya ng anak ng may-ari at pinalayas at hindi na pinakinggan ang pakiusap niya na magbayad sa itinakdang araw.

Pito lahat ang naging anak niya kabilang ang isang triplets. Nawala pa ang isa roon. At dahil kapos sa budget, naipamigay niya pansamantala ang ibang anak sa mga kamag-anak.

Imahe via Pixabay

Ilang beses din umano siyang nakautang sa iba upang may pampuhunan. Nakahiram siya ng P50,000 para pambili ng Indian mango at pakwan na ibabagsak sa Maynila. Subalit hindi siya sinuwerte. Nabulok ang mga Indian mangoes kaya itinapon na lang. Ngunit hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa. Nagpasya silang mag-asawa na magtanim ng pakwan at umutang ng P300,000 mula sa mga kaibigan. Binili niya iyon ng binhi at pataba.

Sa pinakauna nilang ani, kumita sila ng P1.2 million. Ngunit hindi pa rin sila ligtas sa mga pagsubok dahil bumagyo, nasira ang mga pananim pati ang kanilang bahay.

Tinuloy nila ang pagtatanim ng pakwan. Paglipas ng mga taon, unti-unti nang guminhawa ang kanilang buhay. Nabili niya ang lupa kung saan siya dating nangupahan at pinaalis. At nabawi na rin ang mga anak mula sa mga kamag-anak.

Nakapagpatayo na rin sila ng bahay, nakabili ng mga sasakyan at mula sa 3 ektaryang lupain, 50 ektarya na ngayon ang pinagtataniman nila ng pakwan at gulay. Nakapagtapos na rin ng pag-aaral at nakapagtrabaho na ang kanyang mga anak at naging katuwang niya rin sa negosyo.

Imahe via Pexels

Masasakit man ang mga salita na natanggap niya dati mula sa mga suppliers, pinag-uupahan at pinag-uutangan, nanatiling malakas ang loob ni Helen na balang araw ay makakamit niya rin ang kanyang mga pangarap. Sa ngayon malaki ang kanyang pasasalamat sa Diyos dahil naging masagana na ang kanlang buhay.

Tunay na naging inspirasyon si Helen sa mga kapwa niya magsasaka. Itinuro niya na sa pagsasaka kaya nating umasenso kung gugustuhin.

Loading…