Animal lover ginawaan ng masisilungan ang dalawang asong wala nang nagmamay-ari para mailigtas sa bagyo

Imahe via Mitsuki Kun | Facebook
  • Isang animal lover ang gumawa ng masisilungan para mailigtas ang dalawang asong gala na nanginginig sa lamig habang nananalasa ang bagyo
  • Ang mga ito ay dating pagmamay-ari ng kapwa niya nangungupahan ngunit iniwan na nang umalis sa tinutuluyan
  • Hindi niya umano matiis na pabayaan ang dalawang aso dahil wala na silang ibang mapupuntahan

Bago pa man pumasok ang bagyong “Rolly” sa bansa, matindi na ang paalaala ng mga animal rescue groups na huwag pabayaan at isama sa mga lilipatan o evacuation centers ang mga alaga.

Imahe via Mitsuki Kun | Facebook

Masuwerte ang iilan na may nagmamay-ari dahil kasama sila ng kanilang mga amo. Ngunit paano naman ang mga matagal nang iniwan ng mga nag-aalaga? Sino ang sasagip sa kanila?

Para sa isang fur parent at fur lover, hindi nito matitiis na ipagkibit-balikat na lang ang dalawang asong nanginginig sa lamig habang rumaragasa si “Rolly’.

Sa social media inilabas ni Mitsuki Kun ng Batangas ang ginawa niya para mailigtas ang mga ito sa signal no. 4 na lakas ng nakaraang bagyo.

“Hirap talaga basta fur parents and fur lover ka. Madudurog na lang ang puso mo sa mga ganitong sitwasyon. Dalawang stray dogs po ‘yan. Wala silang mapuntahan at masilungan ganitong bagyo.”

Imahe via Mitsuki Kun | Facebook

Ang mga asong ito ay dating pagmamay-ari ng kapwa renters nila ngunit naiwan na noong sila’y umalis. Kaya sila na lang ng ibang nangungupahan ang nagpapakain. Subalit nang umulan, walang nag-asikaso sa mga ito dahil naghahanda rin ang iba para sa bagyo.

Nagsumiksik sa pader sa kanilang likod-bahay ang mga aso. Basa na raw sa ulan at hindi na makatayo sa sobrang panginginig sa lamig.

“Naawa ako sobra at talagang tiniis ko na lang ang ulan at hangin magawan lang sila ng kanlungan kahit inaaway at pinapagalitan na’ko ng asawa ko dahil hndi ko talaga sila matiis,” kuwento niya.

Ginawan niya ng harang gamit ang sirang payong, karton, plastik at hollow blocks. Kinumutan niya rin para hindi lamigin.

Imahe via Mitsuki Kun | Facebook

May alaga rin siyang aso at sa terrace nakapuwesto. Ginawaan niya rin ng harang gamit ang sirang mesa at bedsheet. Ligtas naman daw umano ang alaga niya roon ngunit mas nag-aalala siya sa dalawa na nasa likod kaya maya’t maya ay sinisilip niya.

‘Sobra akong naaawa sa mga asong ‘to na pinabayaan na lang ng may ari.”

Hinangaan si Mitsuki sa kanyang ginawa. Sa panahong importanteng maisalba ang buhay, minsan nababalewala ang mga alaga. Kaya lagi nating tandaan na sila rin ay bahagi ng ating pamilya at may halaga.

Source :

Facebook

Loading…