Pekeng donation drives naglipana matapos ang bagyong Ulysses: Alamin paano makaiwas sa scam

Imahe via The Northern Forum - Cagayan Valley | Facebook
  • Muling dumami ang mga donation drives matapos manalasa si bagyong Ulysses at nag-iwan ng pinsala sa ilan nating kababayan
  • Subalit mangilan-ngilan din dito ay scam at marami ang naloko sa pananamantala ng ilang indibidwal
  • Basahin ang mga tips kung paano makaiwas sa scam at hindi masayang ang iyong donasyon

Matapos ang malawak na pinsalang dinulot ng bagyong Ulysses, bumuhos ang mga donasyon galing sa iba’t-ibang parte ng bansa pati na mula sa mga kababayan natin abroad para tulungang makabangon muli ang mga apektado.

Imahe via The Northern Forum – Cagayan Valley | Facebook

Marami ang agad na tumugon sa mga panawagan at nagpadala ng pagkain, mga damit at pera. Subalit kagaya ng mga nagdaang kalamidad, may mga taong ginagamit ang pagkakataong ito para magkapera.

Isiniwalat ng  The Northern Forum – Cagayan Valley sa social media na nakatanggap sila ng balita na ang ibang donation drives para sa mga biktima ng baha ay hindi legit kundi scam.

Kaya nagpaalala ito na usisaing mabuti ang mga organisasyon na pinapadalahan ng pera.

“Please be warned and make sure to double-check the organization before you send donations. Do not hesitate to get personal information about whom you will send the donation to and where it will specifically go.”

Ilang screenshots din ang ipinost nito na mula sa mga indibidwal na namantala sa iba. May isang lalaki ang nakakuha ng P7,000 na ipinadala sa Gcash. Ngunit ayon sa kanya ay trip-trip lang daw iyon na donation drive. Ang masaklap, ipinambili lang nito ng gadget pang-gaming ang pera.

Mayroon namang binigyan ng P1,000 sa Gcash ngunit mukhang hindi naman ito totoong nangangailangan dahil matapos makuha ang pera, sinabi niyang gagastusin niya lamang ito pang-ML.

Imahe via The Northern Forum – Cagayan Valley | Facebook

Hindi maiwasang magpahayag ng galit ang mga netizens sa pananamantala ng ilang tao sa kahinaan ng mga gustong tumulong.

Samantala, narito ang ilang tips paano makasisiguro na legit ang isang donation drive o organisasyong gumagawa nito.

Siguraduhing mula sa isang reliable source ang inisyatibo. Ito ay dapat kumpleto ng impormasyon tulad ng layunin ng pagtulong, saang pamayanan ito tumutulong at ang klase ng tulong na ibinibigay nito. Dapat nakalagay rin ang mga pangalan ng nagtatag ng organisayson.

Maaaring i-search sa Google ang pangalan ng grupo upang makakuha pa ng karagdagang impormasyon kagaya ng mga reviews at complaints kung mayroon man.

Imahe via The Northern Forum – Cagayan Valley | Facebook

Ang legal na donation drive ay nakapag-secure ng permit mula sa Department of Social Welfare and Development.

Kung wala pang permit ang grup, huwag mahiyang tanungin ang mga detalye  tungkol sa organisasyon kagaya ng kung paano ito nagsimula.

Pagdating sa bank account details, mas malaki ang tsansang ito ay scam kapag bago pa lamang ito nagawa. Hindi rin dapat puwersahan ang pagdo-donate. Huwag ibigay ang iyong bank account details kapag hinihingi. Maging maingat sa pag-click ng mga ipinapadalang links dahil ang iba rito ay maglalagay lamang ng virus sa iyong computer.

Pag-aralan ang kanilang mga social media accounts. Ang isang lehitimong grupo ay nagbibigay ng updates sa perang natatanggap at nag-uupload ng mga larawan bilang patunay kung saan napupunta ang donasyon.

Kaya maging maingat tayo sa mga pinapadalhan natin ng tulong. Marami sa mga kababayan natin ang nangangailangan nito. Huwag nating hayaang hindi ito makarating sa kanila.

Loading…