‘Tanging Hiling’ ni April Boy Regino binalikan ng kanyang anak na nasa Amerika; ‘Sulat para kay Itay’ inihandog nito

Imahe kuha mula sa video ng GMA Music via YouTube, Imahe kuha mula sa video ni Charm The Pinay Explorer via YouTube
  • Nakabalik sa industriya ng musika si April Boy Regino noong 2015 at inawit nito ang kantang siya mismo ang may akda
  • Ang awit ay tungkol sa kanyang hiling sa Panginoon na pagalingin at pahabain pa ang kanyang buhay
  • Ilang linggo bago namaalam ang Idol ng bayan, gumawa pa ng reaction video ang nag-iisa niyang anak na babae sa madamdaming awit na ito, kasabay ng paghahandog ng ‘Sulat para kay Itay’

Muling inalala ng mga fans ni April Boy Regino ang kanyang kasikatan at kuwento ng mga dinaanang pagsubok nang siya ay namaalam, Nobyembre 29.

Imahe kuha mula sa video ng GMA Music via YouTube

Taong 2015, sa tulong ng GMA Records, nakabalik siya sa pagkanta ngunit sa pagkakataong iyon, musikang Kristiyano na ang pinili niyang dalhin. Ito ay resulta ng kanyang pagbabagong-buhay at pag-asang pagagalingin siya ng Panginoon.

Isa sa ibinida niyang single ay ang “Tanging Hiling” na siya mismo ang may akda. Ang kanta ay tungkol sa hiling niya sa Panginoon na pagalingin siya at bigyan pa ng pag-asang mabuhay. Ramdam ang pagsusumamo ng tinaguriang “Juke Box King” ng Pinas sa kantang ito. Isang awiting marami ang kagaya niyang may pinagdadaanang sakit ang makare-relate.

Siya ay na-diagnose na may prostate cancer na kanyang napagtagumpayan, diabetes, sakit sa puso at panlalabo ng kanyang mga mata.

Vlog ng Anak

Nobyembre 6, gumawa ng reaction video sa kantang ito ang kanyang anak na si Charmaine na kilala rin sa YouTube bilang Charm The Pinay Explorer. Siya ay kasalukuyang naninirahan sa Estados Unidos at noong Pebrero hanggang Mayo pa sila huling nagkasama ng ama nang magbakasyon ito para ipagdiwang ang kanyang kaarawan.

Imahe kuha mula sa video ni Charm The Pinay Explorer via YouTube

Emosyonal si Charmaine habang nagsasalaysay sa kanyang vlog. Inilarawan niya si April Boy bilang isang mabait at mapagbigay na ama. Gumawa rin siya ng sulat na siyang binasa niya sa vlog.

“Dad, sobra ko kayong idol. Hindi lang sa pagkanta, kundi sa pagiging mabuting tatay at tibay ng loob sa lahat ng mga trials na nakukuha n’yo pa ring ngumiti,”aniya.

Sa artikulo ng Pilipino Star Ngayon, nanatiling matindi ang paniniwala ni April Boy na pagagalingin siya ng Panginoon maski sa huling sandali na dinala siya sa ospital. Siya ay namaalam sa edad na 59 dahil sa sakit sa bato.

Paalam muli, idol. Hindi matatawaran ang iyong kontribusyon sa Original Pinoy Music.

Panoorin ang kanyang music video rito.

Loading…