Tatay nawalan ng P11,000 na nakalaan sa pagpapagamot ng anak, tulong bumuhos at umabot pa sa mahigit P65,000

Imahe via Dar Palencia | Facebook, Imahe mula sa video ng Brigada News FM Koronadal via Facebook
  • Nahulog mula sa traysikel ang bag ng isang tatay na may lamang P11,000
  • Alalang-alala siya dahil nakalaan pala ito sa operasyon ng kanyang anak
  • Sa tulong ng social media, marami ang naantig sa kanyang sinapit at naibalik ang halagang iyon nang labis pa sa inaasahan

Napakasakit mawalan ng pera lalo na’t kung ito ay inilaan para sa isang importanteng bagay. Subalit may awa ang Diyos. Minsan, naibabalik ito sa atin nang higit pa sa kung magkano ang nawala.

Imahe via Dar Palencia | Facebook

Sa Koronadal City, alalang-alala si tatay Rolando B. Drilon noong Nobyembre 5 dahil nahulog ang kanyang itim na bag na isinabit niya sa traysikel. Naglalaman ito ng perang mahigit P11,000, touch screen na cellphone at lisensya. Nagmula siya sa San Isidro, Koronadal City at papunta ng Norala. Tantiya niyang nahulog ito bandang 9:30 hanggang 10 ng umaga.

Napakahalaga pala ng perang iyon dahil nakalaan ‘yon para sa operasyon ng kanyang anak na kalalabas lamang ng Tacurong Hospital at ini-refer naman sa Allah Valley Hospital.

Isang netizeng nagngangalang Dar Palencia ang nagmagandang loob na iparating ang sitwasyon ni tatay sa social media para mas madaling mahanap ang kanyang bag. Nanawagan siyang i-share ang kanyang post at baka mabasa ito ng nakapulot. Saksi rin kasi siya sa pamomroblema ni tatay at maski siya ay halos maluha na rin daw sa pag-aalala.

Ang post niya ay nai-share ng 16k na beses at may 3.9k likes. Ibinahagi rin ng 95.7 Brigada News FM Koronadal sa kanilang social media account and post na iyon. Dahil dito, mas nakatawag ito ng pansin at sa ‘di inaasahan, biglang bumuhos ang biyaya mula sa publiko.

Imahe via Brigada News FM Koronadal | Facebook

Imbes na P11,000 lang ang hinahangad ni tatay na maibalik sa kanya, umabot ito ng P32,500. Muli pa itong nadagdagan hanggang sa nasa P65,000 na ito at patuloy pa ring may dumarating. Maraming netizens ang naantig sa kanyang kuwento at matinding pangangailangan kaya nagbigay sila ng tulong kung saan ang ilan ay galing pa ng California.

Malaki ang pasasalamat ni tatay sa mga nagbigay. Pati ang kapamilya niya ay nagpahayag na rin ng pasasalamat.

Marami ang naniniwalang baka ang nakakuha ng kanyang bag ay nangangailangan din gaya niya. At baka naging daan lang ito para makatanggap siya ng mas malaking halaga para sa anak.

Samantala, naisagawa na ang operasyon sa kanyang anak na nagkaroon ng bato sa kidney at kasalukuyan na itong nagpapagaling.

Loading…