Tulong bumuhos sa rescuer na nakuryente noong bagyong Ulysses, ina labis na nagpasalamat

Imahe via The CSU Communicator | Facebook, Imahe via Canva
  • Nakuryente ang rescuer na kasama sa relief operations sa Barangay Linao, Tuguegarao City
  • Humingi ng donasyon ang kamag-anak sa social media upang matustusan ang mga gastusin nito sa ospital
  • Bumuhos ang tulong mula sa publiko na siyang ipinagpasalamat ng ina nito

Ang pagiging rescuer ay isang napakapeligrosong trabaho. Buhay ang itinataya ng mga nasa ganitong tungkulin maisalba lamang ang mga nananawagan ng tulong.

Imahe via Marizel Vergara Alvarez | Facebook

Nitong nakaraang bagyong Ulysses, isa si Jayson Darauay Yadan, 24, residente ng Peñablanca, Cagayan sa apat na rescuers na rumesponde sa Barangay Linao, Tuguegarao City. Sa kasamaang-palad, nakuryente sila nang mapahawak sa isang live wire. Mabuti na lang at nakaligtas sila ngunit hindi pinalad ang isa nilang kasama.

Nabigyan man ng pagkakataong mabuhay, hindi naman basta-basta ang dinanas ni Jayson matapos ang insidente. Sa mga larawang ipinost ng ilang netizens at kamag-anak, makikitang nakakaawa ito dahil sa pagkakalapnos ng katawan.

Sa social media idinaan ng ilang kaibigan at kamag-anak ang paghingi ng tulong dahil sa malaking gastusin sa pagpapagamot nito sa ospital. May apat din itong anak at nagdadalantao pa ang kanyang asawa kung kaya’t hirap sila na matustusan ang mga bayarin.

Hindi naman nabigo si Jayson dahil agad na tumugon ang mga may ginintuang puso. Mahigit P50,000 ang inilathalang natanggap na pera ni Rhod Darauay Natividad-Tuliao na kanyang pinsan na siyang nag-aasikaso sa pagkalap ng donasyon.

Mangilan-ngilan din ang dumalaw kay Jayson sa Dt. Ronald Guzman Medical Center kabilang na ang Ingasco Family upang magbigay ng tulong.

Imahe kuha mula sa video ni Ellicec D Zeugirdor via Facebook

Sa isang video nagpasalamat ang kanyang ina. “Sir, maraming maraming salamat po sa tulong na binibigay ninyo. Sa kalagayan po ng anak ko, wala po akong kakayahan na maghagilap ng aking gastusin dito sa ospital kaya maraming-maraming salamat po.”

Sa huling update na ipinost ni Robin Darwin Tuliao, gumaganda na raw ang kalagayan ni Jayson at nakagagalaw at nakasasalita na raw siya nang konti.

Ngunit mahaba-haba pa ang gamutan at pagpapagaling ng rescuer bago makabalik sa normal na buhay kaya humihingi pa rin ng tulong ang pamilya ni Jayson. Sa mga nais mag-donate, maaaring bisitahin ang FB account na ito para sa mga detalye.

Loading…