Asong ala-Hachiko sa labas ng ospital noon, kinupkop na pala ng nakakita at naawa sa kanya

Imahe via Emman Teoxon | Facebook
  • Nag-viral noong Nobyembre 2020 ang aso na ilang araw nang naghihintay sa labas ng isang ospital sa Valenzuela City
  • Hinihintay pala nito ang kanyang amo na dinala sa pagamutan ngunit hindi na nakaligtas sa sakit at hindi na nito nakitang muli
  • Sa pinakahuling update, maganda na ang buhay nito ngayon dahil agad itong kinupkop ng nagbahagi ng kanyang kuwento sa social media

Buwan ng Nobyembre 2020 nang madiskubre ng isang lalaki ang aso na naghihintay sa labas ng Valenzuela General Hospital, Valenzuela City.

Imahe via Emman Teoxon | Facebook

Matapos ang isang buwan, sa pinakahuling update rito, hindi na pala nag-iisa ang aso dahil tuluyan na itong kinupkop ng nagbahagi ng kanyang kuwento sa social media na si Emman Teoxon.

Hindi na pala pinatagal ni Emman ang pangungulila ni doggy dahil dalawang araw matapos niya itong makita ay dinala na niya ito sa kanilang bahay. Marami rin ang nagmamahal kay doggy dahil nakatatanggap ito ng mga donasyong pagkain galing sa iba.

At mukhang naging hiyang si doggy na pinangalanan niyang Chiko mula sa sikat na aso na si Hachiko dahil masigla na itong tingnan at gumanda na rin ang pangangatawan.

Ayon kay Emman, kinupkop daw muna niya ito habang hindi pa siya nakapipili ng mag-aadopt.

Imahe via Emman Teoxon | Facebook

Nobyembre 25 nang matagpuan nila ng kanyang partner ang aso na tila may hinihintay sa labas ng ospital. Naging maamo naman ito at nahawakan niya. Maya-maya, may lumapit na hospital staff at ikinuwento nito ang nakalulungkot na istorya ni doggy.

Limang araw na pala mula nang kinuha ng ambulansya ang kanyang amo dahil sa sakit sa puso. Hingal na hingal daw itong humabol sa sasakyan kaya sa awa ng drayber ay pinapasok na rin ito sa ambulansya. Ngunit hindi na ito pinayagan sa loob ng ospital. Sa kasamaang-palad, hindi nakaligtas ang amo.

Mula noon, nakikita nang nag-aabang ang aso sa labas sa pag-asang makita nitong muli ang amo. Kitang-kita raw ang pangungulila nito at lungkot sa mukha. Unti-unti na rin siyang nakikilala ng mga tao sa paligid kung saan ang ilan ay nagmagandang-loob na pakainin siya.

Imahe via Emman Teoxon | Facebook

Aso ilang araw nang naghihintay sa labas ng ospital matapos lumisan ang amo nito dahil sa sakit

Umasa si Emman noon na babalikan ang aso ng mga kamag-anak ng amo upang maalagaan ito, ngunit dahil sa awa ay hindi na nito natiis na dumaan pa ang mga araw na mag-iisa na namang maghihintay si doggy sa labas ng ospital.

Mukhang itinadhana ang pagdating ni Emman sa buhay ni Chiko upang gamutin ang pangungulila nito sa amo. Sana’y tuluyan na nitong malampasan ang malungkot na nangyari sa kanya.

Loading…