Sili umakyat ang presyo sa P600 matapos ang bagyo; ilang gulay nagmahal din

Imahe via Canva
  • Umabot sa P600 ang presyo ng sili sa ilang pamilihan sa Maynila
  • Pangunahing sanhi nito ang mga nagdaang bagyo na sumira sa mga taniman
  • Ngunit maaari itong bumalik sa dating presyo pagkatapos ng dalawang linggo

Sa ulat ng ABS-CBN News, sinabi nitong umabot ng P600 kada kilo ang presyo ng sili sa ilang pamilihan sa Metro Manila.

Imahe via Pixabay

Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Kristine Evangelista, ang sunud-sunod na bagyo ang siyang dahilan ng pag-akyat ng presyo. Dagdag pa nito na may mga gulay raw na seasonal at natamaan ng bagyo ang mga taniman ng suppliers.

Mas mahal pa ang sili kaysa karneng baboy na nananatili sa P320 kada kilo.

Kabilang din ang ilang gulay gaya ng ampalaya, talong, repolyo, sibuyas, bawang, kamatis, patatas, at ang kada tali ng kangkong at pechay na karamihan ay dumoble ang presyo sa Kamuning Market sa Quezon City at sa Trabajo Market sa Maynila.

Sa Marikina Public Market, nasa P550 ang kada kilo ng siling labuyo at siling haba na siyang sangkap sa sinigang. Ayon sa report ng Super Radyo dzBB, naglalaro lamang ito sa P80 hanggang P100 kada kilo dati.

Mabibili naman sa P400/kilo ang siling labuyo sa Balintawak market at P500/kilo ang siling haba. Pinakamahal ang siling labuyo sa Guadalupe Market sa Makati City kung saan pumalo ito sa P600 kada kilo.

Price info via ABS-CBN News

Ibinahagi ng isang vendor na nabibili nila ito sa halagang P500 hanggang P520 kada kilo mula sa mga suppliers.

Kaya diskarte ng mga mamimili, paisa-isang piraso na gulay lamang ang binibili. Hirap din ang mga tindero sa pagbebenta ng mahal na gulay kaya mas inuuna nilang ibenta ang mga gulay na mura pa.

Nagpunta naman si Secretary Evangelista sa Nueva Vizcaya noong nakaraang linggo at nakita nitong may mga taniman pa raw na nasalba kaya inaasahan nitong bumalik sa normal pagkaraan ng dalawang linggo ang presyo ng mga gulay.

Source :

ABS CBN, GMA News

Loading…