Alang-alang sa pagmamahal sa kapatid, ate tinanggap ang bunso na umibig din sa kanyang mister

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTube
  • Isinama ng panganay ang kanyang bunsong kapatid nang magkaroon siya ng pamilya
  • Subalit nahulog ang loob ng bunso sa kanyang mister at nagkaroon pa sila ng mga anak
  • Masakit man noong una, dahil sa pagmamahal sa isa’t-isa ay unti-unti nilang tinanggap ang kanilang kapalaran

Ayaw ninuman na may kahati sa pagmamahal ng partner o asawa, ngunit paano kung tila itinadhana na may umibig sa taong akala mo’y ikaw lang ang mahal? At paano kung nagkataong kapatid mo pa?

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTube

Tampok sa Kapuso Mo Jessica Soho and kakaibang kuwentong pag-ibig. Sa liblib na bahagi ng Trento, Agusan del Sur namumuhay ang dalawang magkapatid na parehong umibig sa iisang lalaki.

Si Julieta at Juliet ay magkapatid na malapit sa isa’t-isa. Kaya noong nabuntis ang panganay na si Julieta ng kanyang nobyong si Danny, isinama niya ang bunsong si Juliet upang tumulong sa mga gawaing-bahay.

Subalit habang lumilipas ang mga araw, napansin ni Juliet na tila iba na ang tingin sa kanya ng kanyang bayaw. Naging malambing na ito at dahil nakikita niya ring masipag at mapagmahal si Danny unti-unting nahulog ang kanyang loob dito.

Nagkaibigan ang dalawa nang hindi alam ng ate niyang si Julieta. Tumagal ng isang taon ang sikreto hanggang isang araw nadatnan ng ate sina Juliet at Danny na naglalambingan.

Naging mahirap iyon para kay Julieta noong una, ngunit kinalaunan, natanggap na rin niya ito. Nagdesisyon silang magkasamang tumira sa bundok para malayo sa paghuhusga ng iba.

Lumaki ang kanilang pamilya. Si Juliet ay nagkaroon ng 6 na anak samantalang buntis sa ika-6 na anak naman si Julieta.

Ayon sa isang legal counselor, dahil hindi kasal si Danny sa kahit sino sa dalawa, hindi siya maaaring kasuhan ng concubinage. Subalit maaari siyang kasuhan sa ilalim ng VAWC o Violence Against Women and Children lalo na kung nag kalagayan nila ay nagdudulot ng trauma sa mga anak.

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTube

Nagkaroon ng pagkakataon na magkaharap-harap ang dalawang magkapatid, kanilang amang si Andres at ang mister na si Danny. Sa tagpong iyon, nagkapatawaran sila. Tinanggap ng ama ang kanilang sitwasyon at umasang sana’y ayusin na lamang nila ang pagpapalaki ng mga anak.

Pinuntahan din sila ng mga tauhan ng Municipal Social Welfare and Development Office ng Trento at inirekomenda nito na dapat maghiwalay sila dahil maaaring maging kultura ito ng pamilya.

Ngunit sa bandang huli, nanaig pa rin ang kanilang pagmamahalan sa isa’t-isa. Para sa panganay na si Julieta, handa raw siyang magsakripisyo para hindi magkawatak-watak ang pamilya. Para kay Juliet, tanggap niya na magkakasama silang tatlo. Samantalang si Danny naman ay parehong mahal ang magkapatid.

Mali man sa mata ng tao pero sino tayo para humusga sa kanila? Ipanalangin na lamang natin na sana’y magkaroon sila ng mas magandang buhay para sa mga anak.

Panoorin ang episode na ito ng KMJS.

Source :

YouTube, Facebook

Loading…