Kuwentong ukay-ukay: Negosyante may nakapaninindig-balahibong karanasan sa binentang pulang polo shirt

Imahe via Canva
  • Nagla-live selling ang isang negosyante ng mga ukay ng pulang polo shirt nang napuna ng mga nanonood na may bata raw sa kanyang likuran
  • Binalot ng kababalaghan ang pulang polo shirt na ’yon dahil imbes na pinadala na n’ya ito iba raw ang nakarating sa customer
  • Basahin kung ano ang naging koneksyon nito sa bata at bakit tumigil na siya sa pag-uukay matapos ang pangyayari

Nakatutuwang mag-ukay dahil sa abot kayang halaga, may pamporma ka na. Ngunit minsan bang sumagi sa isipan natin kung saan nanggaling ang mga damit at ang naging kapalaran ng nagmamay-ari nito?

Imahe via Gerri Vie | Facebook

Isang nakakikilabot na kuwento ang ipinadala ng negosyante ng ukay sa Spookify FB Page.

2019 pa umano nang sumabak sa ukay business ang sender na si Lez. Minsan noong nagla-live selling siya, hawak ang pulang polo shirt, may nagco-comment na ang cute daw ng bata na nasa likod niya. Napatigil siya at ininspeksyon ang kanyang bahay at baka may batang nakapasok ngunit wala naman daw siyang nakita. Ipinagpatuloy niya ang kanyang live selling at may nag “mine” sa pulang polo shirt na hawak niya.

Matapos ang tatlong araw nagreklamo ang bumili ng polo shirt dahil iba raw ang napadala sa kanya. ‘Di naman makapaniwala si Lez dahil nang makita niya ang ipinadalang larawan, wala naman daw siyang ibinebentang gano’n. Subalit humingi na lamang siya ng paumanhin sa customer.

Imahe via The Triangle Iloilo |
Facebook

Nang makahiga na siya ng kama at itatalukbong na sana ang kumot napabalikwas siya nang makitang hindi kumot ang kanyang nahawakan kundi ang pulang polo shirt. Sa takot niya, hinagis niya palabas ng kuwarto ang damit at ni-lock ang pinto.

Makalipas ang isang oras, may kumatok sa pinto. Hindi niya muna binuksan. Sumilip siya sa baba ng pinto at nakita niyang parang nagsasayaw ang pulang damit at nililipad ng hangin. Binuksan niya ang pinto at isang bata ang tumambad sa kanyang harapan. Yon ang tinutukoy ng mga nanonood sa kanyang live selling.

Tinanong siya ng bata kung bakit daw ibebenta ang damit eh bigay daw ‘yon ng kanyang ina noong birthday niya—-araw din nang maaksidente siya.

Nawalan siya ng malay. Pagkagising niya, nasa harap pa rin siya ng pinto at nakita niyang naging puti na ang pulang polo shirt. Nilagay niya ito sa kahon at ipinagdasal saka ibinaon.

Imahe via Pexels

Simula noon tumigil na siya sa pag-uukay at lumipat na rin siya ng apartment.

Sa bawat damit na nasa ukay iba-iba ang kuwento nito. May maganda at mayroon namang hindi. Ngunit hindi tayo maaaring pumili dahil hindi rin natin alam kung alin doon. Kaya para sa ibang nangungukay, pinapatakan nila ito ng holy water para ilayo raw ang mga hindi magandang elemento.

Ang post na ito ay umani ng 28k reactions at 14k shares. Maski sa comment section, marami rin ang nagbahagi ng kanilang mga kakaibang kuwentong naranasan sa mga binili nilang ukay; mga kuwentong magpapaisip sa iyo kung ikaw ba ay may nabili na ring kakaiba.

Ngayon, matapos ninyo itong mabasa, bibili pa ba kayo ng ukay?

Source :

Facebook

Loading…