Magsasaka na nagsauli ng napulot na PHP 133K, tinulungan ng pulis na makapagbayad ng utang sa ospital

Imahe kuha mula sa video ng PNP Cordillera FB page via Facebook
  • Disyembre 25, 2020 nakapulot ng sling bag na may lamang pera ang isang magsasaka at agad niya itong itinurn-over sa pulisya
  • Naantig ang pinuno ng police regional office at naisipan nitong tumulong nang malaman niyang mayroon pa palang utang sa ospital ang magsasaka
  • Binayaran nito mula sa kanyang suweldo ang utang na siya namang ikinatuwa ng magsasaka

Naaalala n’yo pa ba ang tapat na magsasaka na nagsauli ng napulot na sling bag na may lamang mahigit P133,000 noong nagdaang Pasko? Hindi pa pala doon nagtatapos ang kanyang kuwento.

Imahe via PNP Cordillera FB Page | Facebook

Hindi inaasahan ng magsasaka mula sa Tublay, Benguet na si Mando Baliwas Alonzo, 53, na may malaking kapalit ang naghihintay sa kabutihan nito.

Nalaman ni Brigadier General R’win Pagkalinawan ng PRO-COR na may utang pa si Alonzo na P37,740 sa Benguet General Hospital dahil sa pagpapaopera ng asawa nito sa gall bladder noong Hunyo 2020. Ibinuhos na ni Alonzo ang lahat ng pagkukunan ng pondo kagaya ng ipon, health insurance at mga donasyon ngunit kulang pa rin ito. Pumirma na lamang siya ng promissory note upang makalabas ang kanyang asawa.

Dahil naantig ang heneral sa kanyang katapatan sa kabila ng kahirapan nito, boluntaryo nitong binayaran ang utang ni Alonzo mula sa kanyang sariling suweldo.

Enero 4, sinundo ng mga tauhan ng Tublay municipal police station si Alonzo sa kanilang tahanan sa Barangay Ba-ayan upang samahan itong magbayad sa ospital.

Imahe kuha mula sa video ng PNP Cordillera FB page via Facebook

Gipit man tapat na magsasaka isinauli ang mahigit P133,000 na napulot niya noong Pasko

Malaki ang pasasalamat ng magsasaka sa tulong dahil wala umano silang kakayahan na makabayad ngayon dahil sa pandemya.

Dating jeepney driver si Alonzo na may rutang Baguio-Pico ngunit nang magka-ECQ, nahirapan na siyang makapagbiyahe. Ikinabubuhay nila ngayon ang pagbebenta ng itinanim na sayote.

Ayon sa kanya, ginawa lamang nito ang tama dahil ang kagipitan ay hindi umano dahilan upang itago ang hindi nito pagmamay-ari.

Panoorin ang video ng PNP Cordillera sa FB page ng PNP Cordillera.

Click the image to watch the video

Loading…