May-ari ng aso nag-improvise ng carrier gamit ang backpack para maisama sa biyahe ang alaga

Imahe via Roan Apinan | Facebook
  • Gusto ng may-ari ng aso na dalhin sa biyahe ang kanyang alaga dahil hindi niya ito maiwan sa bahay mag-isa
  • Nag-improvise siya ng carrier gamit ang backpack ng kanyang partner para makasama niya sa motor ang alaga
  • Ibinahagi niya ang kanyang DIY carrier sa social media kung saan marami ang natuwa sa kanyang pagiging malikhain

Karamihan sa atin, nag-aalaga ng aso para may magbabantay sa bahay. Kaya lang, hindi rin natin maiwan-iwan ang aso mag-isa dahil walang magbabantay sa kanya.

Imahe via Roan Apinan | Facebook

‘Yan ang katotohanang maraming dog lovers ang sasang-ayon. At ‘yan din ang dahilan kung bakit hindi makaalis ang may asong si Roan Apinan dahil hindi niya maiwang mag-isa ang alagang si Iska; isang 8 buwang gulang na aspin.

Ngunit gumawa siya ng paraan upang maisama niya ang alaga sa biyahe. Noong una, sa hand bag niya raw sana ilalagay ito kaya lang hindi ito kasya. Dahil diyan, naisipan niyang mag-improvise ng carrier gamit ang backpack na Jansport ng kanyang partner. Pumayag naman ang partner na gamitin ang bag dahil mahal na mahal din daw nito si Iska.

Gumawa siya ng dalawang butas sa itaas at dalawa rin sa ilalim. Tinahian niya ang mga butas ng malambot na tela upang maging komportable ito sa kanyang alaga. Kapag naipasok na ang katawan ng aso, doon ilalabas ang mga paa nito at puwede na ni Roan kargahin ang bag sa kanyang harapan.

Ang DIY carrier na ito ay pangalawang beses niya nang nagamit pauwi ng Bulacan sakay ng motorsiklo. Kuwento niya sa Kicker Daily News, medyo takot daw noong una si Iska dahil first time pa itong nakalabas ng kalsada at hindi sanay sa ingay ng mga sasakyan. Ngunit nang makalayo-layo na raw sila, kalmado na ito.

Imahe via Roan Apinan | Facebook

Ibinahagi ni Roan ang kanyang DIY carrier sa isang animal lovers group at marami ang natuwa rito. Umani ito ng 11k reactions at 2.8k kung saan karamihan ay namangha sa galing ng kanyang ideya pati na rin sa pagiging totoong animal lover niya.

Tunay na kapag gugustuhin, may paraan. Napakasuwerte ni Iska at nagkaroon siya ng among hinding-hindi siya iiwan.

Kayo? Paano n’yo ba sinasama ang mga alaga ninyo sa biyahe?

Source :

Facebook

Loading…