Netizen nagbabala sa bagong modus ng mga kahina-hinalang riders gamit ang COD sa online shopping

Imahe via Yang Villanueva | Facebook
  • Isang bagong modus ng mga delivery riders gamit ang cash on delivery scheme ang naranasan ng netizen na nagbahagi nito sa social media
  • Nakuha na ang kanyang bayad na P300 nang makita nila ang loob ng parcel ay isang lumang sapatos pala
  • Sa itsura pa lamang ng rider at parcel ay may mga palatandaan na kung bakit isang scam ang kaharap niya 

Karaniwan na tayong nakaririnig ng mga orders online na napapalitan ng bato pagdating sa buyer. Ngunit may panibagong modus kung saan may bigla na lang dumarating na parcel sa iyo at ang bayaran ay COD.

Imahe via Yang Villanueva | Facebook

Salaysay ng netizen sa social media sa page ng GO NEGOSYO and PUBLIC CONCERN VILLAMOR BRGY.183, pasado alas-8 ng umaga ng  Enero 6, biglang may dumating na Shopee rider. Kuya niya ang humarap dito at ang sabi ng rider para raw sa kanya ang package na may PHP 300 na babayaran. Inakala niyang para sa kuya niya ito kaya nag-abot siya ng PHP1,000 na pambayad. Ibinalik ang kanyang pera dahil wala pa raw panukli ang rider. Dahil dito, ang kuya niya muna ang nagbayad ng PHP300.

Pagkabukas nila, walang sticker ang parcel ng impormasyon ng seller at buyer. At ang laman nito ay isang pares ng lumang sapatos pala. Ang masaklap, nakaalis na ang rider. Na-scam nga sila.

Imahe via Yang Villanueva | Facebook

Anyare?

Una, wala talaga siyang maalala na inorder sa Shopee. Pangalawa, sinamantala ng rider na maaga nitong ihatid kung saan kagigising lang nila at medyo inaantok pa sila. Ang rider ay hindi rin nakasuot ng uniform. Nakapambahay lamang daw ito.

Nung kinahapunan naman, may tumawag na naman umano sa kanya at may inihahatid na order na relo na P960 diumano. Nakutuban agad ito ng netizen at tinawagan ang mga kasama sa bahay na huwag itong tanggapin.

Kapag delivery rider, karaniwan na tayong nakakikita ng givi box na paglalagyan ng mga parcels o pagkain ngunit wala siya nito.

Supot ng J&T ang ginamit sa parcel ngunit sulat-kamay lamang ang mga detalye ng nagpadala at pinadalhan.

Kaya sa kanyang update, may  paalala ang netizen para maiwasan na mangyari ito sa atin.

UPDATE: NAPABLOTTER NA PO SIYA AND HAWAK NA SYA NG BARANGAY. Iwan ko na lang po yung post to spread awareness para sa mga ganitong scam. Salamat po.

 

Tandaan na dapat sirain ang mga supot ng parcel kapag tinatapon dahil minsan kitang-kita pa ang mga seller at buyer info na maaaring gamitin ng mga nananamantala. Kapag wala talagang maalala na inorder online, sabihan ang mga nasa bahay na huwag na huwag tanggapin ang mga hinahatid na hindi naman ibinilin dahil pagkakaperahan lamang tayo.

Sa panahon ngayon kung saan lumakas ang pamimili online dahil sa pandemya, huwag tayong magkumpiyansa dahil marami rin ang nananamantala. Dapat alam ng mga kasama sa bahay kung may inaasahan tayong delivery o wala.

Narito ang buong post:

Screenshot mula sa FB

Loading…