Para sa pangarap: Estudyante hinimatay sa pag-akyat ng bundok makahanap lamang ng signal

Imahe pag-aari ni Genevie Gregorio
  • Kasama ang tiyahin, umakyat pa sa bundok ang estudyante ng Aklan para makapagpa-schedule sa kanyang online scholarship exam
  • Mahina kasi ang signal sa kanilang lugar at malayo rin sila sa bayan
  • Hinimatay ang estudyante sa pagod na siya namang nakunan ng litrato ng tiyahin at ibinahagi ito sa social media

Hangad ng maraming mag-aaral ang makapasok sa mga pinapangarap nilang unibersidad nang sa ganoon ay matupad nila ang kanilang mga pangarap para sa pamilya.

 

Imahe pag-aari ni Genevie Gregorio

Ganoon na lamang ang pagnanais ng isang estudyante sa Madlang, Aklan na makapagpa-schedule sa scholarship exam ng Aklan State University. At dahil mahina ang signal sa kanilang lugar, umakyat pa ito ng bundok nang nakayapak kasama ang kanyang tiyahin. Subalit halos isang oras ang nakalilipas sa kanilang paglalakad ay bigla umano siyang hinimatay.

Ang pangyayaring iyon ay nakunan ng larawan ng kanyang tiyahin na siyang nagbahagi nito sa social media. Agad namang naging viral ang kuwento nito.

Ayon sa salaysay ng tiyahing si Genevie Gregorio sa News5, gusto raw umanong tulungan ng kanyang pamangkin ang kanilang pamilya. Mahirap daw ang buhay sa kanila at malayo pa sa bayan. Pagbubukid at pag-aabaca lamang ang ikinabubuhay ng mga magulang nito para siya’y makapag-aral.

Nahimasmasan naman ang pamangkin matapos makapagpahinga at tinuloy pa rin nila ang pag-akyat sa bundok.

Imahe pag-aari ni Genevie Gregorio

Umani ng iba’t-ibang reaksyon ang kuwentong ito.

Kumento ni E. Brayden, “Sana mabigyan ng pansin ng pamahalaan ang ganitong klaseng tao, gagawin ang lahat para makapagtapos nag pag-aaral at makatulong sa kanyang mahal na magulang. Sana dapat ganitong klaseng tao ang binibigyan ng pag-asa para makapag-aral at makamtam niya ang kanyang tagumpay alang-alang sa mahal niya sa buhay.”

Marami naman ang nagsabing sana’y sa bayan na lang siya pumunta dahil mas may signal doon kaysa umakyat pa ng bundok. Subalit pinaliwanag ni Jezebel Sambunay na taga-roon na kapag taga-bundok ka na raw ay mas nanaisin mong sa itaas na lang ng bundok pumunta dahil nakasasagap naman daw ng signal.

Imahe pag-aari ni Genevie Gregorio

Dagdag niya, ”Bababa ka pa ng bundok para makarating sa main road at mag-aantay ng jeep ng 3 oras. Minsan tatlong jeep o bus lang nagbibiyahe sa’min sa isang araw. Or puwede ka rin maghabal-habal. Mahal nga lang balikan.”

Isang hamon sa bawat mag-aaral ang kasalukuyang online set up ng mga entrance exams dahil sa COVID. Marami mang pagsubok ang dadaanan, ang importante ay hindi dapat mawalan ng pag-asa ang bawat isa sa atin.

Loading…