Problema mo ba ang langaw? Alamin ang apat na natural na paraan paano puksain ang mga ito

Imahe via Canva
  • Mapanganib sa kalusugan ang pagdami ng langaw dahil puwede itong magdala ng sakit
  • Basahin ang mga natural na paraan paano ligtas na puksain ang mga ito
  • Higit sa lahat, siguraduhing mababa ang “fly appeal” ng iyong bahay at kapaligiran upang hindi nila ito pamahayan

Kapag tag-ulan dumarami ang mga langaw sa ating paligid. At kada bukas mo ng pintuan, tila isa itong imbitasyon na makapasok sila sa loob ng bahay.

Imahe via Pixabay

Kaya dumarami sila kapag tag-ulan ay dahil ito ang mainam sa kanilang pagpaparami. Mula sa pagiging itlog hanggang maging ganap na itong langaw ay tumatagal lamang ito ng 7-10 na araw, dahilan upang mabilis silang dumami.

Mahalagang mapuksa ang kanilang pagdami dahil sila ay maaaring makapagdala ng sakit na puwedeng mailipat sa ating pagkain. Narito ang ilang ligtas at natural na paraan na maaari ninyong subukan.

Suka at dishwashing liquid

Maglagay ng halos isang pulagadang suka at ilang patak ng dishwashing liquid sa isang baso. Takpan ito ng plastik at gumawa ng ilang butas. Maa-attract ang langaw sa amoy ng suka. Pagkapasok nila sa butas, didikit sila sa film ng dishwashing liquid kaya hindi na sila makalilipad pang muli.

Citrus

Ayaw ng langaw ang amoy ng citrus kaya sa susunod na gumamit kayo ng kalamansi, lemon o orange, huwag itapon ang balat nito. Kumuha ng tela kung saan ipapahid ang citrus at ilagay ito sa bowl. Ilagay ito kung saan marami ang langaw. Maya-maya ipahid muli ang balat sa tela upang mapanatili ang moist at amoy dito.

Basil

Ang basil ay isang herb na sangkap din sa ilang recipes. Ito ay may matapang na amoy na ayaw ng mga langaw. Magtanim nito sa iyong hardin, malapit sa bintana o kahit sa loob ng bahay.

Cayenne pepper

Maghalo ng isang tasa ng tubig at 1 kutsarita ng cayenne pepper powder sa misting bottle. I-spray ito sa mga lugar na karaniwang dinadapuan ng langaw.

Imahe via Pexels

Maliban dito maaaring gumamit din ng mga essential oils ng lemongrass, peppermint, eucalyptus, camphor at cinnamon. Itinataboy na nito ang mga langaw, napapanatili pa nitong mabango ang iyong bahay.

May mga nabibili rin tayong mga sticky traps at light trap. Pero pinakamainam pa rin na panatilihing malinis at mababa ang “fly appeal” ng iyong bahay at kapaligiran. Siguraduhing nakasara ang takip ng mga basurahan at plastic. Linisin ang mga dumi ng hayop. Mag-install ng screen sa mga bintana at hugasan agad ang mga pinagkainan.

Kung may ilan pa kayong natural na tips kagaya nito, maaari n’yong ibahagi sa amin sa comment section. Salamat!

Loading…