Mag-ingat! Sinulid ginagamit sa bagong modus laban sa mga motorista

Imahe via Scarlett Alison | Facebook
  • Napa-wiggle ang mag-asawa habang nakasakay sa kanilang motorsiklo nang may biglang sumabit sa leeg ng mister na siyang nagmamaneho 
  • Napag-alaman nilang sinulid ito at maaaring inilagay ito na pangharang ng mga nagbabalak na gumawa sa kanila ng masama
  • Ibinahagi ng asawa ang modus sa social media upang magbigay babala sa ibang mga riders

Unang araw pa lang ng taong 2021 ngunit hindi na maganda ang naging karanasan ng isang rider ng motorsiklo.

Imahe via Scarlett Alison | Facebook

Ibinahagi ni Scarlett Alison ang nangyari sa kanila ng kanyang asawa Enero 1 ng gabi upang maging babala ito sa mga motorista. Ito yata ang nauusong modus ng mga nagbabalak ng masama sa mga motorista.

“Around 8:35 sa Las Piñas sa may 7-11 banda bago mag munisipyo ng Las Piñas, biglang napamura asawa ko at nag-wiggle kami. Buti na lang wala kami kasunod sa likod na mabilis na sasakyan. Akala ko napuwing lang asawa ko. Laking gulat ko may laslas leeg at may sinulid na mahaba. ‘Di ko alam purpose mo pero alam kong balak mo kami agawan ng motor.”

Makikita sa larawan kasama ng post niya na may sugat mula sa sinulid ang leeg ng kanyang mister. Dahil gabi na nang mga sandaling iyon, hindi mapapansin na may sinulid pala na nakaharang sa kanilang dadaanan. Wala namang humarap sa kanila matapos ang insidente at mabuti na lang ligtas ang mag-asawa.

Galit na galit si Alison dahil sa nangyari.

Imahe via Scarlett Alison | Facebook

“Sana ‘di ka patulugin ng konsensya mo. Buhay ka pa pero sinusunog na kaluluwa mo sa impiy*rno.”

Hulyo 2020 nang may kaparehang modus ang ibinahagi sa social media. Ito ay naganap ala-sais ng gabi sa may junction ng Barangay Sto. Domingo, Cainta, Rizal.

“Riders, please mag-ingat kayo pag dumadaan kayo sa Junction. May sinulid sa gitna ng kalsada na parang pang saranggola pero di mo makikita kasi kulay puti. Modus daw po ito na pag nasemplang ang rider nanakawan or mas malala kukuhanin yung motor,” kuwento ni Czarah Mae Cruz.

Maging paalala sana ito sa mga riders na maging alerto sa mga dinadaanan. Sa hirap ng buhay ngayon, may mga taong walang-awang nananamantala sa kapwa. Maaaring ipagbigay-alam din sa pulisya ang mga ganitong pangyayari upang mabigyan ng pansin.

Loading…