Tatay na kasama ang aso sa paglalako ng mani dinagsa ng tulong dahil sa sirang bike na gamit nito

Imahe via Franklin Ramos Mariscal | Facebook
  • Nakilala ng isang estudyante ang tatay na kasama ang kanyang aso sa pagbebenta ng mani
  • Nalaman niyang sira na ang bike na ginagamit nito kaya sumasakit na ang kanyang likod
  • Dahil naging viral ang kuwento nito sa social media, mukhang mapapalitan na ang sirang bike ni tatay dahil sa tulong ng mga netizens

Isang tatay na nagbebenta ng mani ang pumukaw sa damdamin ng mga netizens.

Imahe via Franklin Ramos Mariscal | Facebook

Ito ay dahil sa kuwento ng estudyanteng si Franklin Ramos Mariscal sa social media. Enero 8, naglalakad daw siya sa south bus terminal sa Cebu nang tumawag ng kanyang atensyon si tatay na naka-bike at kasama ang aso nito.

Akala niya noong una, namamasyal lang ang dalawa ngunit nalaman niyang nagbebenta pala si tatay ng mani.

Nawala sa kanyang paningin si tatay ngunit nang tumawid siya ng pedestrian lane papuntang Flying V at 7/11, nagtagpo sila at kinausap siya nito. Nagrereklamo raw si tatay na masakit ang kanyang likod dahil tinutulak niya lang ang kanyang bike kahit saan sila magpunta. Sira na kasi ang gulong nito.

Nahawakan ni Franklin ang aso at napansin niyang maamo ito at sanay sa mga tao. Ayon kay tatay, isang golden retriever daw ang kanyang alaga.

Nahabag si Franklin sa dalawa kaya nang mai-post niya sa social media ang kuwento nito, nanawagan siya sa mga netizens na bumili kay tatay dahil malaking tulong daw ito sa dalawa.

Imahe via Franklin Ramos Mariscal | Facebook

Dinagsa ng kumento ng mga netizens ang post ni Franklin  lalung-lalo na ng mga nais tumulong. Gusto nila na gumawa ng fundraising project para maipaayos o makabili ng bagong bike para kay tatay. Nais din nilang magawan ng ligtas at kumportableng upuan ang aso dahil parang nakasabit lang ito sa bike. Dahil dito, inilabas na rin ni Franklin ang kanyang cellphone number at bank account para sa mga nais magpadala ng pera.

Hindi na nagtagal dahil mayroon nang sumagot sa bike ni tatay at ang ibang pondong nalikom ay gagamitim pambili ng groceries at dog food.

Malaki talaga ang naitutulong ng social media sa mga kagaya niya na tunay na nangangailangan ngunit kumakayod pa rin sa buhay.

Abangan natin ang kasunod na update dahil pinaplano na ng grupo na maihatid ang kanyang bike sa lalong madaling panahon.

Panoorin dito ang video ni Franklin at ng maamong aso.

Loading…