Aso araw-araw dumadalaw sa among nakadetini, naghihintay sa paglabas nito

Imahe via Michael Sumaylo | Facebook
  • Araw-araw ay napapansin ni netizen Michael ang aso sa labas ng pinagtatrabahuan niya
  • Yon pala ay dinadalaw nito ang among nakadetini sa istasyon ng pulis
  • Ang kuwentong ito ay nagpapatunay na kahit anong mangyari, hindi ka iiwan ng alaga mo

Kung may mga kaibigan kang lumayo sa ’yo matapos mong masangkot sa gulo, ang aso, maaasahan mong sasamahan ka anuman ang mangyari.

Imahe via Micahael Sumaylo | Facebook

Karaniwan na tayong nakababasa ng kuwento ng mga asong naghihintay sa labas ng ospital dahil sa pangungulila sa amo nilang may karamdaman o ‘di kaya’y nasa puntod ng mga tagapag-alaga. Subalit, maaasahan mo rin ba sila kung ikaw ay minsang nawala sa mabuting landas?

Oo. Isang pagpapatunay niyan ang ibinahaging kuwento ni Michael Sumaylo ng Bohol sa Aspin Lovers Philippines noong Pebrero 24.

Ayon sa post niya, araw-araw niya raw nakikita ang isang aso sa labas ng pinagtatrabahuan niya. Akala niya noong una ay nagpapahinga lamang ito. Nagtanong-tanong siya at nalaman din ang kasagutan kinalaunan.

Imahe via Michael Sumaylo | Facebook

“Napakasakit. Nakadudurog ng damdamin,” pagbabahagi ni Michael. Hinihintay pala ng aso na lumabas ang kanyang amo na nasangkot sa isang kaso.

Dagdag pa nito, “Kahit pala anong mangyari andyan sila sumusuporta, umaasa, nagmamahal na walang katapat. Aspin, tunay ka.”

Ayun pala. Kaya pala parang may isa roon na kilala ang aso. Siya pala ang dahilan ng pamamalagi nito sa istasyon.

Sa kasunod na update ni Michael noong Pebrero 26, may maganda siyang balita. Mabait daw ang pulis dahil pinapasok ang aso sa loob ng istasyon.

“10:55 AM, nag-iba po tayo ng detalye. Nakapasok po ako sa station. Nandon po ‘yong aso. Hindi pala umuwi. Mabuti ang pulis. Pinayagan nilang makapasok ang aso. Nasa gilid siya ng selda matutulog, pinapakain ng mga inmates.”

Imahe via Michael Sumaylo | Facebook

Galing naman ni doggy. Siguradong may dalaw at karamay araw-araw ang amo niya.

Pero nangamba ang mga netizens dahil baka wala nang nag-aalaga sa aso dahil hindi makalabas ang amo nito. Nanawagan sila sa may mabuting puso na gustong mag-adopt nito.

May nakapagsabi naman sa comment section na umuuwi daw ang aso sa ina ng amo nito at pinapakain siya. Ngunit bumabalik pa rin daw ito sa istasyon pagkatapos.

Kaya pala maikli lang ang panahon ng mga aso rito sa mundo dahil sa kaunting oras nila, ibinibigay na nila lahat ng kabutihan nang walang kapalit.

Source :

Facebook

Loading…