Delivery rider na nabiyayaan ng bagong bisikleta kahati pala ang mga pusang kalye sa kanyang kinikita

Imahe via Michael Jamandre | Facebook, Imahe via Jeffrey Jaskie Sioson
  • Ang delivery rider na nag-viral dahil sa pagbibisikleta lamang para maihatid ang order kahit malayo ay may mabuting puso sa mga hayop
  • Kahati parati ng kinikita niya ang mga inaalagaan niyang pusang kalye 
  • Kamakailan lang, nahanapan niya ng bagong amo ang isang kuting na napulot niya

Bagong bisikleta ang handog ng lalaking nagmagandang loob kay Jeffrey Sioson, ang sumikat na delivery rider dahil paggamit ng lumang bisikleta sa kanyang trabaho.

Imahe via Michael Jamandre | Facebook, Imahe via Jinn Barbatos | Facebook

Ngunit bukod sa pagiging masikap nito sa kanyang tungkulin ay totoong may magandang kalooban din siya hindi lamang sa tao kundi pati na rin sa mga hayop.

Kinuwento niya sa News 5 na noong magsimula ang pandemic, nawalan siya ng pagkakikitaan. Umaasa na lamang siya sa mga ayuda. Nakikitira siya sa kanyang tiyahin kaya kahit papaano ay makakakain pa naman siya.

Ngunit nag-alala siya sa mga pusang kalye na inaalagaan niya. Sa bawat kita kasi ni Jeffrey, kahati niya ang mga ito. Nagbibigay siya ng pagkain at kung minsan, nag-iikot siya para magpakain ng mga pusa sa daan.

Minsan na rin siyang naghanap ng bagong tahanan para sa kuting na napulot niya sa kalye. Pebrero 16 ng umaga, nag-post siya sa Cats Free Adoption Philippines & Rescue Philippine Facebook group na may napulot siyang kuting sa Paranaque. Babae ito, kulay itim, at may maikling buntot. Hula niya, tatlong buwan pa lamang ang kuting.

I-click ang imahe upang makita ang post ni Jeffrey Jaskie Sioson via Facebook

Nanawagan siya kung sino ang may gustong mag-adopt nito at handa pa siyang ihatid ito sa bagong may-ari. Agad namang may nag-adopt dito.

Kaya ngayong maluwag na ang quarantine, kumikita na siyang muli. 2017 pa naging delivery rider si Jeffrey. Pinakiusapan niya ang kaibigan niyang nagbebenta ng mga action figures na sa kanya na magpa-deliver para kahit papaano’y may kikitain siya.

Mura lang din siyang maningil. P250 lang ang bayad sa kanya ng customer na nagpahatid ng order sa Cavite mula pa Binondo. Kaya kahit na nainis ang kliyenteng si Michael Jamandre dahil sa tagal ng kanyang paghihintay, nawala ito lahat nang makita niyang nakabisikleta lang pala ang rider. Ang kuwento ng pagsaludo ni Michael sa kanya ang nagbigay daan para makatanggap siya ng bagong bisikleta.

Kapag mabait ka talaga sa iyong kapwa ay hindi ka bibiguin ng Panginoon.

Loading…