Delivery rider na nagpadyak ng tatlong oras mula Binondo hanggang Cavite biniyayaan ng bagong bisikleta

Imahe via Michael Jamandre | Facebook, Imahe via Jinn Barbatos | Facebook
  • Hinangaan sa social media ang delivery rider na naghahatid ng orders kahit sa malalayong lugar gamit lamang ang lumang bisikleta
  • Naantig ang isang netizen at nagmagandang-loob na magbigay ng bagong bisikleta
  • Malaki ang pasasalamat ng rider sa ‘di inaasahang pagdagsa ng mga biyaya

Walang inaksayang oras ang nagbigay ng biyaya kay Jeffrey Sioson, ang viral delivery rider na nagpadyak mula Binondo hanggang Cavite sa halagang P250.

Imahe via Jinn Barbatos | Facebook

Ayon kay Jinn Barbatos ng Gagalangin, Tondo, nakita niya ang post ni Michael Jamandre noong Pebrero 16 na siyang pinaghatiran ng rider ng order. Kinontakt niyan agad si Michael at naging daan iyon upang magkausap sila ni Jeffrey.

Sa panayam ni Jinn sa rider, sinabihan niyang magbibigay siya ng bagong bisikleta kung saan napaiyak si Jeffrey sa narinig.

Umoder siya ng bisikleta online at agad nitong inihatid kay Jeffrey. Bukod dito, may dagdag pa na cash mula sa mga kaibigan ni Jinn para pambili ng  Jersey, biking shoes, helmet at gloves.

Oktubre 2017 pa nang magsimulang mag-delivery rider si Jeffrey, 39, matapos niyang ma-endo sa dating pinagtatrabahuan. Lumang BMX bike ang kanyang ginagamit dahil nagtitipid umano siya. Dahil dito, hindi lamang isa o dalawang beses siyang nasiraan habang nasa biyahe. Kung sa tingin ninyo ay malayo na ang Binondo-Cavite na hatiran, may mas malayo pa raw dito at iyon ay sa Nasugbu, Batangas.

Kahit gaano man kahirap ang kanyang pagpapadyak, mura pa rin kung maningil si Jeffrey. Binabase niya ang kanyang presyo sa rate ng Grab at Lalamove. Kontento na raw kasi siya sa kitang iyon para sa kanyang pang-araw-araw na gastos. Depende na lang sa buyer kung magbibigay sila ng tip.

Imahe via Michael Jamandre | Facebook

Customer Angry at Rider for Being Late, Discovers Guy Cycled from Binondo to Cavite in Old BMX

Ang kanyang pagpupursige at kabutihang-loob ang nagpahanga kay Michael Jamandre. Nainis pa noong una si Michael dahil halos tatlong oras na siyang naghihintay sa kanyang order pero nawala ang inis nang makita niya si Jeffrey na nakabisikleta lang pala. Hindi siya makapaniwala na masyadong mura ang singil nito kaya ibinigay na niyang tip ang sukli sa P500. Ngunit ibinalik ni Jeffrey ang P150 dahil kuntento na umano siya sa P100.

Abot langit naman ang pasasalamat ni Jeffrey lalong-lalo na sa kanyang customer dahil sa lahat ng mga biyayang dumating.

Ngayong may bagong bisikleta na siya, hindi niya pa rin daw bibitawan ang lumang BMX bike kundi gagamitin pa rin daw niya ito sa mga maiikling distansya. Marami na daw kasi silang pinagsamahan.

Tunghayan ang panayam ng News 5 sa kanya.

Loading…