Sako-sakong cat food handog ni Basel sa viral delivery rider na isa ring cat rescuer

Imahe via The Hungry Syrian Wanderer | Facebook
  • Binisita ni Basel si Jeffrey, ang viral biker upang magbigay ng tulong sa kanya at mga alaga nito
  • Sako-sakong cat food ang hatid ng vlogger kay Jeffrey na nag-aalaga rin ng mga pusang gala
  • Naging emosyonal ang rider dahil hindi nito inaasahan na may malaking sorpresa pa palang nakahanda para sa kanya

Pumukaw sa atensyon ng Syrian vlogger si Jeffrey Sioson, ang viral biker na nagpadyak mula Binondo hanggang Cavite para maihatid ang order sa halagang P250.

Imahe via The Hungry Syrian Wanderer | Facebook

Bumisita siya upang magpaabot ng tulong pati na rin sa mga alaga nitong mga pusa. Si Jeffrey kasi ay isang certified cat lover. Sa katunayan, ang mga alaga niyang pusa ang dahilan kung bakit siya ay nagsisikap na kumita ng pera.

“He’s working hard. He’s driving a broken bike. And a lot of people, they help him. Today, I decided to go and help him not only because he is working hard but because he is helping a lot of stray cats,” pagsasalaysay ni Basel sa kanyang vlog.

Malapit sa puso ni Basel ang mga pusang gala dahil siya mismo ay nagre-rescue ng mga ito. Tatlong pusa ang kasama niya sa bahay at may mga pinapakain din siya sa labas ng kanyang restaurant.

At bago pa man naging viral si Jeffrey ay nakita na pala siya ni Basel sa isang cat community sa Facebook. Nagpo-post si Jeffrey ng mga pusang nire-rescue niya at hinahanapan ng mag-a-adopt. Siya rin mismo ang naghahatid ng mga pusa sa mga bagong may-ari gamit ang kanyang bike.

Sampung sakong cat food ang binigay ni Basel nang magkita sila ni Jeffrey. Cat food ang pinapakain ni Jeffrey sa mga alaga niya at hindi yong tira-tirang pagkain kahit na mahal ito para sa kanya.

Imahe via The Hungry Syrian Wanderer | Facebook

Delivery rider na nabiyayaan ng bagong bisikleta kahati pala ang mga pusang kalye sa kanyang kinikita

Ngunit hindi niya akalain na may mas malaking sorpresa pa pala ang inihanda sa kanya.

“I came here not only to see you.. I came here because gusto ko talaga. Galing sa puso ko ’yan. Gusto ko biigay sa’yo tulong. Bigay ko sa’yo pera,” pagbubunyag ni Basel kay Jeffrey.

Naging emosyonal si Jeffrey sa narinig at lalo na nang makita ang pera na bigay ni Basel. Ayaw niya sana itong tanggapin.

Nagpasalamat siya kay Basel at sa Panginoon dahil naging daan si Basel para maghatid ng tulong sa mga kagaya niya.

Bago umuwi si Basel at kanyang staff, isang vendor ang masuwerte dahil pinakyaw niya lahat ng panindang lugaw at ipinamigay sa mga tao.

Panoorin dito ang kanyang vlog.

Source :

Facebook, YouTube, KD

Loading…