26 taong gulang na kusinero sa barko nakapagpatayo ng gasolinahan sa sipag at tiyaga

Imahe via John Ebreo | Facebook
  • Isang kusinero ng barko ang nakapagpundar ng sariling gasolinahan sa loob lang ng 6 na taon
  • Kaya kahit may pandemya, may pinagkakaabalahan pa rin siya pag-uwi ng Pilipinas
  • Ibinenta man ng kanyang ama ang sasakyan nito upang maidagdag sa pagpapatayo ng negosyo, napalitan naman niya agad ito ng bago

Sa pagiging seaman, malaki ang oportunidad na guminhawa ang buhay dahil sa maganda ang pasuweldo dito.

Imahe via John Ebreo | Facebook

Subalit, kapag tapos na ang kontrata, wala na ring kita kaya kailangan ang disiplina sa pag-iipon upang may pangtustos pa rin sa pamilya habang nasa bakasyon.

Paano nga ba masisigurong magiging matatag pa rin ang pamumuhay kapag wala sa barko?

Isang seaman ang ginalingan ang kanyang diskarte na talaga namang kapupulutan ng inspirasyon ng lahat ng mga OFWs.

Cook sa barko, Gasoline Boy sa Pinas?

Siya si John Ebreo, 26, ng Sariaya, Quezon. Siya ay kusinero ng barko at ang nakamamangha, anim na taon pa lamang siya sa trabahong ito ngunit nakapagpatayo na siya sariling gasolinahan dahil sa sipag at tiyaga.

Imahe via John Ebreo | Facebook

Mayo 2020, nang magbukas ang kanyang gasolinahan sa gitna ng nagsisimulang pandemya noon. Kaya nang makauwi siya sa bansa, mayroon siyang pinagkakaabalahan. Siya na rin ang nagiging pump boy kapag may naka-day off sa kanyang mga tauhan.

“Mahirap po kasi sa isang seaman kung walang investment sa Pinas lalo na pag nasa bakasyon kasi puro palabas ang pera dahil sa dami ng trainings at requirements na kailangan ayusin. Maganda na ‘yung may income kahit nakabakasyon,” kuwento niya sa Kicker Daily News.

Importante raw talaga ang pag-iipon habang bata pa dahil hindi raw habambuhay ang pagbabarko.

Nakuha niya raw sa kanyang mga magulang ang pagiging madiskarte sa buhay kaya nagpapasalamat siya sa mga pangaral nila.

Sa katunayan, malaki ang naging tulong ng magulang niya para maipatayo ang kanyang gasoline station. Ibinenta ng kanyang ama ang sasakyan nito noong Abril 2020 pandagdag sa pagpapatayo nito.

Imahe via John Ebreo | Facebook

Nangako naman si John na reregaluhan niya ng bagong sasakyan ang ama sa ika-60th na kaarawan nito sa 2022. Ngunit dahil sinuwerte siya, hindi na umabot pa ng 2022 ang regalo dahil naibigay niya agad ito nang nakaraang taon.

Ibinabahagi ni John sa social media ang kanyang tagumpay hindi upang ipagmayabang kundi para magbigay ng inspirasyon sa iba na posibleng makapagpundar ng ibang pagkakikitaan kapag may disiplina sa pag-iipon.

Aniya, walang may gusto na habambuhay kang malayo sa pamilya kapalit ng magandang trabaho. Huwag nating hayaang mapupunta lang sa mga luho ang perang ating pinaghihirapan. Habang maaga, sanayin ang sariling mag-ipon at mamuhunan sa negosyo.

Source :

Facebook, Facebook, KD

Loading…