Aso patuloy pa ring nagpupunta sa labas ng restaurant upang hintayin ang amo kahit na nasa malayo na ito

Image via Jose Enrico V. Libunao | Facebook
  • Napansin ng netizen na naghihintay ang isang aso sa labas ng fast food restaurant
  • Nalaman niyang nagpupunta ito roon dahil nakagawian nitong maghintay sa labas noong kasama pa nito ang amo
  • Naawa naman ang mga netizens dahil baka kaya ito bumabalik sa restaurant ay dahil nangungulila ito sa amo

Matatalinong uri ng hayop ang mga aso. Madali silang nasasanay sa mga routine kaya kahit na may mga pagbabago sa kanilang buhay, nagagawa pa rin nila itong ipagpatuloy. Bukod pa riyan, kilala silang tapat sa mga amo kaya iwanan man sila, hahanap-hanapin pa rin nila ang amo nila.

Image via Jose Enrico V. Libunao | Facebook

Kagaya ito ng ikinuwento ni Jose Enrico V. Libunao sa Facebook. Napansin niya kasi ang isang aso na nakaupo sa labas ng Jollibee Alona, Panglao. Matapos niyang malaman ang istorya kung bakit nasa labas ang aso na tila may hinihintay, naantig siya rito.

“Palagay ko ito talaga ‘yung kuwentong Jollibee na magpapatulo sa luha ko,” pambungad niya sa kanyang post.

Nakausap niya raw ang mga tagaroon at nalaman niyang Chubby ang pangalan nito. Kaya raw pala nariyan ang aso ay dahil nakagawian na nitong pumunta sa restaurant kasama ang amo.

Kaya lang, kasalukuyang nasa Maynila raw ang amo pero sa kabila nito, ginagawa pa rin ng aso ang nakasanayan niya. May nag-aalaga naman daw kay Chubby ngunit nangungulila lang daw talaga ito sa kanyang amo. Marahil hindi rin naiintindihan ni Chubby na nasa malayo na pala ang amo niya.

Naramdaman din ng mga netizens ang lungkot at inilabas nila ang kanilang saloobin sa pangyayaring ito.

Image via Jose Enrico V. Libunao | Facebook

“Sana isinama naman ng amo niya. Napaka-loyal niya. Ansakit lang sa dibdib makita siyang ganyan,” kumento ni Lei Balmeo.

“Kawawa pa rin ‘yung doggo. Iba pa rin pag fur parent ang nag-aalaga at kasama niya. Kaiyak. Buti na lang may nag-aalaga pa rin,” ayon kay Czarina Aira Santos.

Samantala, nagsalita na rin ang nagmamay-ari kay Chubby na si Mew Duanne.

Ayon sa kanya, iniwan niya muna ang aso sa manager ng  Shaka Cafe na pagmamay-ari niya dahil kinailangan niyang pumunta ng Maynila. Nilinaw din niya na hindi pinapabayaan si Chubby ng cafe manager at tumatanggap ito ng meal allowance at tip araw-araw sa kanyang pagdu-duty.

Imahe via Mewa Duanne | Facebook

Noong magkasama pa sila, nakagawian na kasi nilang magpunta ng Jollibee upang mag-dinner. Sa labas daw sila kumakain dahil may mesa roon at para makasama niya si Chubby. Yon ang palaging reward ng aso matapos magduty sa cafe.

Kaya para sa mga gustong makita si Chubby, magpunta lamang sa Shaka Cafe ng Aloha Beach Resort.

“Chubby will wholeheartedly entertain you while waiting for your order,” kuwento ng may-ari.

Loading…