Asong ipinaliligaw na sana dahil may sakit bumubuti na ang kondisyon ayon sa kumupkop sa kanya

Imahe via Richard Allado Quiocho | Facebook, Imahe via Michelle Mitz Arciano via Facebook
  • Kinaantigan sa social media ang kuwento ng boluntaryong pag-ampon ng isang ginang sa asong ipinaliligaw na sana dahil may sakit
  • Nagbigay ng update ang ginang tungkol sa pagpapagamot ng aso at sa kasalukuyang kondisyon nito
  • Isang mensahe rin ang nais niyang iparating sa dating amo ng aso

Kumalat sa social media ang kuwento ng asong masuwerteng kinupkop ng isang ginang na balak sanang ipaligaw ng may-ari.

Imahe via Richard Allado Quiocho | Facebook

Ang taong nagligtas sa aso ay si Michelle Arciano, 34, isang maybahay na hindi nagdalawang-isip na kumupkop nito. Mayroon nang apat na Shih Tzu ang ginang at kasama niya ang isa rito na si Baste nang araw na iyon ngunit bukas loob niyang inako ang pagpapadoktor sa may sakit na aso na si Cholo.

Maging ang asawa niya na isang food delivery service rider na si Mark Aciano ay mahilig din sa aso. Kaya noong nalaman nitong magkakaroon sila ng panibagong alaga, inilipat nito ang kanyang mga idedeliver sa katrabaho upang masundo nito ang asawa at mga aso.

Ano ang sakit ni Cholo?

Sa panayam ng PEP kay Michelle, nalaman na may sakit sa bato ang apat na taong gulang na Golden Retriever. Hirap daw kasi ito sa pag-ihi kaya niresetahan ito ng beterinaryo para sa sampung araw na gamutan. Matapos ito ay kinailangang bumalik nila Michelle para sa karagdagang pagsusuri.

Imahe via Michelle Mitz Arciano via Facebook

Sa kasunod na panayam ng PEP, ipinaalam ni Michelle na bumubuti na ang kalagayan ng aso. Medyo ok na raw ang pag-ihi ni Cholo at nakalalakad na siya nang maayos. Nagsimula na rin itong makipaglaro sa iba nilang mga aso.

Matatandaang noong Pebrero 24, isang Richard Allado Quiocho ang nag-upload sa larawan ni Michelle kasama si Cholo at ibinahagi ang nakaaantig na kuwento ni Cholo. Payat, hinang-hina at puno ng grasa ang itsura ng aso na siyang kabaliktaran ng mga pinakabagong larawan na ipinadala ni Michelle kay Richard.

Imahe via Michelle Mitz Arciano via Facebook

Para sa mga gustong makasubaybay sa mga updates ni Cholo, gumawa ng FB account and kanyang furmom —-Cholo GR Arciano.

May nais din iparating si Michelle sa dating amo ni Cholo. Hiling niya na kung mayroon pa itong mga alaga, huwag na niya itong pababayaan. Inihalintulad din ni Michelle sa pag-aalaga ng sanggol ang pag-aalaga ng aso. Isa itong malaking responsibilidad na dapat pinag-iisipan muna bago papasukin.

Loading…