Binatang may mabigat na karamdaman natupad ang kahilingang maging pulis ng isang araw

Imahe via Calasiao Pulis | Facebook
  • Tinupad ng mga pulis ang pangarap ng isang binatang may sakit na maging isa sa kanila sa loob ng isang araw
  • Hindi lamang siya naging isang alagad ng batas kundi ipinaranas pa sa kanya ang pagiging hepe ng istasyon
  • Ang binata ay nagbebenta ng fishball upang may pantustos sa kanyang buwanang chemotherapy

May mga taong marami sanang pangarap sa buhay ngunit dahil sa matinding pagsubok, may hamon ang daan patungo sa kanilang mga ambisyon. Ngunit sa tulong ng mga mabubuting puso, minsan ay naisasakatuparan pa rin ito.

Imahe via Calasiao Pulis | Facebook

Isa na rito ang binatang si Arbert Abulencia na nagbebenta ng fishball. Pinangarap ni Arbert na maging pulis balang araw, subalit siya ay na-diagnose na may stage 4 na Big C sa colon. Pero hindi hinayaan ng Calasiao Police station sa pangunguna ni PLT Col. Ferdinand Z. de Asis, COP  na hanggang pangarap na lang iyon ng binata.

Marso 4, inimbitahan nila si Arbert upang iparanas sa kanya ang pagiging pulis sa loob ng isang araw. At hindi lamang siya naging pulis kundi ginawa pa siyang ‘hepe ng istasyon’.

Ginupitan, binihisan at pinasuot ng uniporme si Arbert at may sash pa na ang nakasulat ay “Chief of Police”. Bukod sa oportunidad na iyon, binigyan din siya ng pinansyal na tulong ng himpilan.

Imahe via Calasiao Pulis | Facebook

Marso 8, pinabalik si Arbert sa Calasiao Police station dahil isang full scholarship naman sa Metro Dagupan Colleges ang inihandog sa kanya.

Si Arbert, 19, ay mula sa Barangay Nagsaing, Calasiao, Pangasinan.

Ayon sa kanyang ama, nabaon na raw sila sa utang at naibenta na ang mga alagang hayop pantustos sa chemotherapy na umaabot sa P50,000 kada buwan. Kaya para makaipon, naglalako si Arbert ng fish ball ngunit kumikita lamang siya ng P100 kada araw kung saan kulang na kulang ito para sa kanyang pagpapagamot.

Ang istoryang ito ay pumukaw din sa damdamin ng ilan kaya sunud-sunod na rin ang mga dumarating na tulong sa kanya mula sa ilang grupo at indibiduwal.

Sa mga nais tumulong, bisitahin lamang ang kanyang Facebook account para sa mga detalye.

Loading…