Food delivery rider nasuspinde kaugnay sa pagtanggap ng mababang halaga ng orders dahil sa vouchers

Imahe via Clark Kirbyancy Cenon Abad | Facebook
  • Nasuspinde ang rider ng online food delivery service dahil sa tinanggap nito na sunud-sunod na maliliit na halaga ng orders dahil sa vouchers
  • Kaya nanawagan ang kapwa rider na maghinay-hinay sa paggamit ng vouchers dahil sa epekto nito sa kanila

Sa online shopping, pabor sa mga customers ang pagkakaroon ng vouchers. Nakapagbibigay kasi ito ng diskuwento sa order o shipping fee. At kapag sinusuwerte ka, halos wala ka nang babayaran.

Image via Canva

Ngunit may hindi magandang epekto pala ito para sa mga delivery riders ng Food Panda. Ibinunyag ng rider na si Clark Kirbyancy Cenon Abad na nasuspinde ang kasama niya dahil sa sunud-sunod na maliliit na halaga ng tinanggap nitong orders. Dahil dito, may panawagan si Clark.

“Di po ako against sa bentahan ng voucher n’yo pero sana naman po gumamit kayo ng voucher kung malaki-laking halaga ang bibilhin n’yo. Hindi ‘yung mag-voucher kayo para halos makalibre na kayo ng lalamunin n’yo.”

Dahil sa bugso ng damdamin ay humingi siya ng paumanhin sa pananalita.

“Sorry for the word pero sana maintindihan n’yo. SANA PO KUNG DI KAMI KAYANG UNAWAIN NI FOOD PANDA SANA KAYO NA LANG PO MAKAUNAWA SA’MING MGA RIDER NG FOOD PANDA. Uulitin ko po hindi po ako against sa bentahan ninyo ng voucher pero please!!” dagdag niya.

Sa larawan na in-upload niya ay makikitang apat na order na pinickup ng rider ang may halagang Php 3.00 lamang. Ang mga ito ay order sa Mang Inasal mula sa iba’t-ibang customers.

Sa isa pang larawan, nakasaad naman ang compliance notice na nagsasabing suspendido ang rider ng dalawang araw dahil nagkaroon siya ng maraming orders na may maliliit na order values at pinagdududahang pang-aabuso ito sa kanilang sistema. Kapag mauulit pa raw ito, maaaring ma-terminate na ang rider.

Imahe via Clark Kirbyancy Cenon Abad | Facebook

Ang post na ito ay ikinagulat ng ilang customers lalo na sa mga tumatangkilik sa vouchers.

Maraming na-guilty dahil sa paggamit ng  vouchers. Kaya nang malaman nila ito, sinabi nilang maghihinay-hinay na sila sa paggamit nito. Para naman sa iba, hindi raw dapat sa rider isinisisi ang ganito dahil hindi naman nila kontrolado ang diskarte ng mga customers.

Dahil dito, kinakailangang tingnan daw muli ng Food Panda ang kanilang sistema para maging patas ito sa lahat. Di rin kasi maiwasang maghigpit ito sa mga riders dahil marami ring modus ang nadiskubre nila noon. Sa mga customers naman, nauuso rin ang hacking at generating ng vouchers.

Ano sa tingin ninyo? Sino ang dapat mag-adjust sa isyung ito?

Source :

Facebook

Loading…