
- Dinala ng frontliner ang kanyang alagang aso sa o
spital dahil male-late na raw siya sa trabaho kapag iuuwi pa niya ito sa kanilang bahay - Pupunta sana sila ng beterinaryo para pabakunahan ang aso ngunit sarado ang klinika nito
- Nakarating naman sa isang rescue shelter ang ibinahaging larawan ng frontliner at nagpadala ito ng food supply
Nagbigay ng good vibes ang isang tuta sa mga frontliners na isinama ng kanyang among nurse sa trabaho.

Sa post ni Nars Jay sa grupong “Who’s your Pupper” sa Facebook, makikitang kandong-kandong nito ang puting aso habang abala sa pagsusulat sa mga medical records.
“While on duty..
Don’t worry baby, pauwi na tayo in a bit,” caption nito sa kanyang post.
Ang post na ito ay nakarating sa Pawssion Project na isang rescue shelter ng mga aso’t pusa. Sa kanilang pakikipag-ugnayan kay Jay napag-alaman nilang dadalhin daw sana nito ang kanyang asong si Foxy sa beterinaryo para pabakunahan subalit sarado raw ang klinika nito. At kapag iuuwi pa raw nito sa kanilang bahay ay male-late na siya kaya napagpasyahan niyang isama na lang sa trabaho ang kanyang alaga.
Hindi naman naging abala si Foxy; bagkus, nagpangiti pa ito sa mga kasamahan ni Jay sa trabaho. Sa iba pang larawan, masayang nagpa-picture ang ibang frontliners sa kanya.

Malaki ang tulong ng presensya ng mga aso at pusa sa pinagtatrabahuan dahil napatunayan sa mga pag-aaral na nakapagpapababa sila ng stress at anxiety level. Lalo na ngayong tumataas ang kaso ng COVID sa bansa, hindi maiiwasang may kasamang pangamba ang ating mga frontliners habang ginagawa ang kanilang tungkulin.
Sinang-ayunan ito ng Pawssion Project dahil isa rin ito sa kanilang mga layunin.
“One of our ultimate goals is to inspire more establishments and communities to welcome animals as they have been proven to be natural anti-depressants and happy pills. And Foxy definitely did not disappoint!”

Natuwa ang shelter sa ginawa ni Jay. At bilang parte ng selebrasyon ng Easter, namahagi ito ng supplies sa kanya mula pa sa kanilang shelter sa Bulacan papunta sa bahay ni Jay sa Manila. Napag-alaman na 11 aso pala at 3 pusang ang inaalagaan ni Jay sa kanilang tahanan.
Nais ng Pawssion Project na sana’y ipagpatuloy natin ang kanilang layunin dahil “there will always be hope, new beginnings and more blessings.”