Bangkang sinakyan ng ABS-CBN crew itinaboy, hinabol ng Chinese coast guard sa WPS

Screenshot mula sa ABS-CBN News video
  • Hinabol at itinaboy ng Chinese coast guard ang bangka ng ABS-CBN crew
  • Ito ay kahit pa nasa loob pa rin sila ng EEZ ng Pilipinas
  • Nangako naman ang DND na iimbestigahan ang insidente

Hinabol at itinaboy ng mga Chinese coast guard ang bangkang sinasakyan ng crew ng ABS-CBN News habang patungo silang Ayungin Shoal, isang maliit na islang nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Sa ulat ni Chiara Zambrano, idinetalye niya kung paano sila itinaboy ng mga sasakyang pandagat ng China habang naglalayag sa West Philippine Sea kamakailan.

Screenshot mula sa ABS-CBN News video

Patungo na raw silang Ayungin Shoal matapos bisitahin ang ibang shoal sa lugar nang maispatan nila ang puting barko ng China papalapit sa kanilang bangka.

Mga apat na milya na lamang ang layo nila sa Ayungin Shoal nang mag-radio message ang Chinese Coast Guard. Bagama’t hindi naintindihan ng mga Pinoy dahil ‘English’ ang naturang mensahe, sapat na raw ito para magdesisyon ang kapitan ng kanilang bangka na bumalik na lamang sa dalampasigan ng Palawan.

Sinundan pa raw sila ng Chinese coast guard ng halos isang oras at sa sobrang lapit ng mga ito ay nababasa na nila ang bow number ng barko.

Screenshot mula sa ABS-CBN News video

Makaraan ang isang oras, akala ng ABS-CBN crew ay makahihinga na sila nang maluwag subalit bigla naman sumulpot ang dalawa pang maliit na Chinese vessel na sumunod muli sa kanila – isa sa kanan at isa sa kaliwa.

Subalit sa pagkakataong ito ay hindi ito mga ordinaryong lantsa kung hindi mga Houbei Type 22 missile fast attack craft.

Sinubukan nilang tingnan sa GPS ang kanilang lokasyon at lumabas na 90 nautical miles lamang ang layo nila sa Palawan; malinaw na sila ay nasa loob na EEZ ng Pilipinas.

Tumagal din ng halos kalahating oras na hinabol sila ng dalawang attack craft ng China bago ito bumuwelta at iniwan na ang bangka ng nga Pinoy.

Screenshot mula sa ABS-CBN News video

Tiniyak naman ng Department of National Defense (DND) na iimbestigahan nila ang pangyayaring ito.

“The Defense Department has directed the AFP (Armed Forces of the Philippines) through its Western Command to investigate, gather, and validate all the relevant facts on the incident, the outcome of which will be used to coordinate any appropriate action through the NTF WPS (National Task Force for the West Philippine Sea and engagement among the DFA (Department of Foreign Affairs), DND, DOTr (Department of Transportation) and other concerned agencies,” ayon sa pahayag ni DND spokesperson Arsenio Andolong.

Pinaalalahanan din ng DND ang media na mag-ingat kahit pa tumutupad lamang sila sa kanilang tungkulin upang hindi malagay sa panganib ang kanilang buhay.

Loading…