Bata hiniling sa mga pulis na mayakap sila at makasakay sa kanilang sasakyan sa kanyang kaarawan

Image via I Love PNP | Facebook
  • May simpleng hiling ang isang espesyal na bata sa mga taga PNP para sa kanyang kaarawan
  • Nais nitong mayakap sila at makasakay sa kanilang police mobile
  • Agad naman siyang pinaunlakan ng mga pulis at nagbigay pa ng konting handa para sa kanyang kaarawan

May mga batang napakasimple lang ng kanilang kahilingan para sa kanilang kaarawan. Hindi ito materyal na bagay kundi mga karanasan na matagal na nilang inaasam.

Image via I Love PNP | Facebook

Ito ang naging kahilingan ng espesyal na batang babae na lumapit sa tatlong pulis na sina Police Corporal l Ronnie Consuegra, Patrol Woman Julie Anne Baniaga, at Patrol Woman Gladys Niña Quimpo ng PNP Station 3, Naga City Police Regional Office 5 (PRO5), alas-sais ng gabi ng Abril 2. Nagbabantay sa Simbahan ng Peñafrancia ang mga alagad ng batas nang nilapitan sila nito.

Nalaman nila na kaarawan pala ng bata nang araw na iyon at nais nitong matupad ang simpleng hiling——ang mayakap ang mga pulis at makasakay sa kanilang police mobile.

Hindi sila nagdalawang-isip at pinagbigyan ang kahilingan ng bata. Matapos nilang magpayakap, isinakay nila ang bata kasama ang ina nito. Ngunit hindi doon nagtatapos ang mga kaganapan dahil hinandugan pa nila ng munting handa ang bata mula sa isang fast-food chain bilang paggunita sa kanyang kaarawan.

Image via I Love PNP | Facebook

Sa mga larawang ibinahagi ng I Love PNP sa Facebook, laking tuwa ng bata nang higit pa sa kanyang inaasahan ang natupad sa kanyang espesyal na araw.

Nakatanggap ng pagsaludo ang tatlong pulis dahil sa kanilang kabutihan.

“Bilang ama ng isa ring PWD at bilang isa ring pulis, hayaan n’yo akong ipaabot sa inyo ang aking birtwal na pagsaludo sa ipinamalas ninyong kabutihang loob!”

May banta man ng COVID, mas inisip ng mga taga PNP ang kapakanan ng kanilang nasasakupan. Lalo na’t isang espesyal na bata na ang nais lamang ay makaramdam ng saya sa kanyang kaarawan.

Ma-inspire sana tayo na magpasaya rin sa iba sa kabila ng mga pagsubok ngayon.

Loading…