Customer ipinamigay sa rider at mga kasamahan nito ang inorder na lugaw bilang pasasalamat sa kanilang serbisyo

Imahe via Jomar Daguman Cabuso | Facebook
  • Imbes na ipade-deliver sa kanya, ipinamigay ng customer ang inorder niyang lugaw sa rider at mga kasamahan nito
  • Nainis kasi ang customer sa sumita sa rider na maghahatid sana ng lugaw sa isang barangay
  • Dahil dito, ipinamigay niya ang lugaw bilang pasasalamat na rin sa serbisyo ng mga riders

Naging matunog ang #LugawIsEssential na diskusyon sa social media dahil sa pangyayaring hindi pinalusot ang isang rider upang i-deliver ang lugaw sa customer dahil hindi raw ito essential good.

Imahe via Jomar Daguman Cabuso | Facebook

Isa na sa nakarinig nito ang customer na si Mr. Rey Aren Niera na nagpapahatid din sana ng lugaw. Subalit imbes na ipa-deliver ang mga ito sa kanya, ipinamigay niya na lang ito sa mga rider bilang pasasalamat sa kanilang serbisyo.

Ibinahagi ng Grab Food rider na si Jomar Daguman Cabuso ang text ni Niera.

“Huwag mo na i-deliver dito ‘yong mga order ko. Ipamigay mo sa ka-Grab mo na nandiyan. Kumuha ka rin ng para sa iyo.

Nabalitaan ko kasi ang isang Grab rider na sinita dahil nag-deliver ng lugaw. Nabuwisit ako doon sa nanita. Kumain kayo kuya, pasasalamat sa serbisyo n’yo.”

May kabuuang halaga na Php 680 ang inorder ni Niera. Masaya namang ibinahagi ito ni Cabuso sa sampu pa niyang kasamahan na makikita sa inupload niyang larawan.

Imahe via Jomar Daguman Cabuso | Facebook

Siya rin ay nagpasalamat sa customer. “Salamat sa palugaw mo, sir. Maraming salamat po! God bless,” aniya sa kanyang post.

Samantala nilinaw naman ng Malacañang na ang lugaw ay isang essential good at ang delivery ng mga pagkain ay pinapayagan 24/7 kahit na lampas na ng curfew hours ngayong bumalik sa ECQ ang NCR.

Kasunod kasi ito ng viral video ng rider na hinarang ng isang opisyales ng barangay sa San Jose Del Monte, Bulacan dahil ang ide-deliver niyang lugaw ay hindi raw essential item. Bukod pa riyan, ang mga pagkainan ay dapat sarado rin daw kapag oras ng curfew.

Loading…