Pulis humingi ng pang-unawa sa mga naaantala sa checkpoint, ipinakita ang face mask matapos mabilad sa araw

Imahe via Daniel John Ford | Facebook, Imahe via PNP Checkpoint | Facebook
  • Ang face mask ng frontliner na pulis sa checkpoint ay may bahid ng dugo dahil sa pagkabilad sa araw
  • Dahil dito hiniling niya sa mga dumaraan sa checkpoint ang pasensya at pag-unawa sa pagtupad nila ng kanilang tungkulin
  • Mayroon kasing iba na mainit ang ulo at napagtataasan sila ng boses kapag naaabala sa checkpoint

Malaki ang tungkuling ginagampanan ng mga frontliners sa checkpoint. Sila ang nagpapanatili ng kaayusan at nagsisigurong walang makalulusot na masamang elemento.

Imahe via PNP Checkpoint | Facebook

Madali lang mainis kapag tayo ay nahaharang o naaabala sa pag-iinspeksyon o pagtatanong. Subalit naiisip din ba natin ang kalagayan nila sa buong araw na pagtatrabaho nila sa initan?

‘Yan ang nais iparating ng isang frontliner sa kanyang post sa social media.

“Para sa mga motorista na dumadaan sa mga quarantine control point lalo na sa mga akala mo kung sino, na mainit ang ulo, na pagtataasan ka ng boses kahit mahinahon kang nagtatanong at nagbeberipika, kaunting pasensya lang po ang hiling namin at konsiderasyon din po para sa’ming mga unipormado na nagbibilad sa kainitan ng araw dahil wala pong may gusto ng ganitong sitwasyon,” salaysay ni Daniel John Ford mula sa Kawit, Cavite.

Ngayong may COVID, isa ang mga frontliners na malaki ang posibilidad na mahawa ng virus ngunit nariyan pa rin sila sa labas nagseserbisyo dahil kinakailangan.

Hiling ni Daniel ang konsiderasyon at pang-unawa sa hirap ng kanilang tungkulin.

“Kung kayo po ay naiinip dahil sa traffic, sana’y maisip n’yo din kung ilang oras na ba nakatayo ang mga taong ‘di alintana ang init at pagod sa iniatang sa kanilang tungkulin.”

Imahe via Daniel John Ford | Facebook

Nag-upload ng larawan ang frontliner na pulis kung saan makikitang may dugo ang kanyang face mask; marahil sanhi ng pagputok sa mga ugat sa ilong dahil sa init ng temperatura.

Nakikita natin silang alerto at seryoso ngunit lingid sa ating kaalaman, umaabot sila sa ganitong sitwasyon minsan.

Ngayong bumalik sa ECQ ang Maynila, siguradong doble kayod na naman sila sa pagpapatupad ng mga alituntunin sa checkpoint. Bilang isang mabuting mamamayan ng bansa, mainam na sumunod na  lang tayo sa mga protocols para mapadali ang kanilang trabaho.  Ang lahat ng kanilang pagsisikap ay para na rin sa ating kapakanan.

Isa ka rin bang frontliner? Ano ang panawagan mo sa mamamayang Pilipino?

Source :

Facebook

Loading…