‘Hati-hati kami sa isang pirasong isda’: DOTr chief binalikan ang mga hirap na pinagdaanan

Image from Department of Transportation - Philippines | Facebook
  • Binalikan ni Department of Transportation Secretary Arthur Tugade ang mga hirap na dinanas noon sa buhay
  • Tandang-tanda pa ng opisyal kung paano nila pinaghahatian noon ang isang pirasong isda na nakuryente nila sa sapa
  • Pumipila rin daw sila noon sa poso upang may maipampaligo at mainom; wala ring palikuran kaya kinakailangan pang gumawa ng butas sa lupa 

Bago niya narating ang kanyang kinalalagyan, dumaan muna ng matinding hirap si Department of Transportation Secretary (DOTr) Arthur Tugade; mga bagay na naging dahilan upang lalo pa siyang magsikap, magpunyagi, at maging determinado.

Image captured from Facebook

Sa Facebook page ng DOTr, ibinahagi ang mga ikinuwento niya kasabay ng pagbibigay-pugay sa huwarang tsuper na si Alex Dayrit; na nagpamalas ng tunay na pagmamalasakit sa kanyang mga kababayan sa pamamagitan ng pag-modify ng seating layout ng kanyang pampasaherong jeep upang masunod ang proper physical distancing at matiyak na ligtas ang kanyang mga pasahero.

Dahil daw sa pagkapukaw sa ginawa ni Dayrit, hindi niya napigilang balikan ang kanyang mga pinagdaanan sa buhay.

“Alam mo, pare, kung bakit alam ko ang importansya ng hindi pagsuko sa gitna ng problema? Nanggaling ako sa wala. Lumaki ako sa Tatalon kung saan ‘yong tubig panligo, ipipila mo sa poso. Kami ng magulang at anim na kapatid ko, hati-hati sa iisang pirasong isda na nakuryente namin sa sapa. Wala kaming palikuran. Kung ikaw ay dudumi, kailangan mong tumusok ng butas sa lupa. Iyong bahay namin, sa tuwing babagyo, kumakapit kami sa bubong para hindi lumipad. Kung may baha, sa bubong din kami aakyat,” aniya habang kinikilala ang kontribusyon ni Dayrit.

Wika ni Tugade, hindi siya nagpatinag sa kabila ng lahat at sa halip ay mas pinairal pa ang pagkakaroon ng dedikasyon at determinasyon.

“Tulad mo, ako ay nagsikap. Ako ay naghanap ng paraan upang kumita nang marangal. Kung ako ay sumuko, kung ako ay hindi nagsikap, baka wala ako rito ngayon kausap mo,” saad ng transportation chief.

Samantala, payo ni Tugade sa taumbayan, katulad ng ginawa ni Dayrit ay huwag sana nilang hayaan na maging sagabal ang mga pagsubok para abutin ang mga pangarap.

Image from Department of Transportation – Philippines | Facebook
Source :

Facebook

Loading…