Lalaking may COVID ilang araw nagkulong sa SUV; natagpuang hinang-hina na hanggang sa bawian ng buhay

Screenshot mula sa ABS-CBN News video
  • Isang lalaking may COVID ang natagpuang naka-isolate sa kaniyang sasakyan
  • Hindi na siya umuwi sa kanilang bahay nang malamang nahawahan siya ng sakit
  • Nalulungkot at lumung-lumo naman ang mga kaibigan at pamilya sa kaniyang sinapit

Isang lalaki ang natagpuang ilang araw nang naka-isolate sa kaniyang sariling sasakyan matapos magpositibo sa COVID-19 sa loob ng Camp Crame kamakailan.

Kinilala ang lalake sa ulat ng CNN Philippines na si Lailee “Lyle” Parreño, isang dating mamamahayag.

Screenshot mula sa ABS-CBN News video

Ayon sa kuwento ng matalik na kaibigan ni Parreño at kapwa-journalist na si Aris Ilagan, Marso 26  sila huling nagkausap at sinabi umano sa kaniya na nagpositibo ito sa COVID-19. Kinabukasan ay humingi pa raw ito ng load sa kaniya bagama’t hindi sinabi ni Parreño kung nasaan siya.

Nang sumunod na araw ay nalaman ni Ilagan na natagpuan ang kaniyang kaibigan sa loob ng kaniyang SUV na nakaparada sa tapat ng isang gusali sa loob ng Camp Crame. Hinang-hina na raw ito at kailangan nang alalayan para maisugod sa ospital.

Screenshot mula sa ABS-CBN News video

Umaandar pa ang sasakyan ng beteranong journalist at punong-puno raw ito ng pagkain at tubig.

Ani Ilagan, maaaring nag-imbak talaga ng pagkain ang kaniyang kaibigan bilang paghahanda sa kaniyang pakikipaglaban sa COVID sa pag-asang gagaling pa siya.

Maaaring hindi na rin daw ito nakipagsapalaran sa mga quarantine facilities at hospital dahil alam niyang punuan na rin ang mga ito.

Screenshot mula sa ABS-CBN News video

Sa pagkakaalam niya, dagdag pa ni Ilagan, malusog ang pangangatawan at masayahin pa ang kaniyang 60-anyos na kaibigan kaya nakalulungkot ang nangyari kay Parreño.

Ayon naman sa panganay na anak ni Parreño, Marso 19 pa nang ipaalam sa kanila na may COVID ang kaniyang ama at hindi na rin ito umuwi ng kanilang bahay.

Screenshot mula sa ABS-CBN News video

Bagama’t naisugod pa sa pagamutan si Parreño, yumao na rin ito noong Marso 29 nang gabi dahil sa komplikasyon dala ng COVID-19.

Panawagan ng kaniyang pamilya at kaibigan sa gobyerno, sana raw ay gumawa na ito ng hakbang upang magkaroon ng kumpiyansa ang publiko sa programang pangkalusugan ng pamahalaan upang hindi na maulit ang nangyari kay Parreño.

Loading…