‘Proof of life’? Bong Go muling nagbahagi ng mga larawan, video ni PRRD sa Malakanyang

Imahe mula sa Facebook ni Sen . Bong Go
  • Muling ipinakita ni Go ang mga larawan ni Pang. Duterte sa loob ng Malakanyang
  • Dito ay makikita ang presidenteng nakasakay sa motorsiklo at nagdya-jogging pa
  • Kuha umano ang mga ito umaga nitong Sabado, Abril 10

Sa ikatlong pagkakataong nitong linggo, naglabas ng ‘pruweba’ si Senador Bong Go para patunayan sa publiko na maayos ang kalagayan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng mga ispekulasyon tungkol sa tunay na lagay ng kalusugan ng huli.

Nitong Sabado, muling nag-post sa Facebook si Go, na kilalang malapit kay Duterte, ng ilang larawan ng Pangulo habang nakasakay sa motorsiklo. Mayroon ding video kung saan makikitang nagdya-jogging pa ang 76-anyos na presidente.

Imahe mula sa Facebook ni Sen . Bong Go

Base sa hitsura ng paligid, kuha ito sa loob ng Malakanyang at nitong umaga lamang umano ng Sabado, Abril 10; isang araw matapos muling kanselahin ang pagdalo ng Pangulo sa ginanap na paggunita ng  ‘Araw ng Kagitingan’ sa Bataan.

Muli ay humingi ng suporta at pag-unawa si Go para sa Pangulo na ayon sa kaniya ay ang ‘taong totoong nagmamahal’ sa Pilipino.

Imahe mula sa Facebook ni Sen . Bong Go

“Mga kababayan ko, Malungkot at Mahirap ang maging Pangulo sa Panahong ito. Suportahan natin si Tatay Digong, ang taong totoong nagmamahal sa ating kapwa Pilipino,” turan ng maikling caption ng mga larawan.

Noong Miyerkules unang nagbahagi ng mga litrato ang senador kasama si Duterte sa loob ng Malakanyang bilang patunay na ‘nagtatrabaho’ pa rin ang Pangulo kahit kinansela nito ang kaniyang lingguhang ‘Talk to the People’.

Imahe mula sa Facebook ni Sen . Bong Go

Sinundan muli ito nang sumunod na araw ng isa pang selfie ng mambabatas kasama ang presidente sa loob muli ng Malakanyang dahil sa patuloy na hindi pagpapakita sa publiko ng lider ng bansa.

Naglabas na rin ng pahayag ang Palasyo para ipaliwanag ang patuloy na pag-iwas ni Duterte sa mata ng mga tao nitong mga nagdaang araw. Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, iniingatan lamang ng Malakanyang ang kalusugan ng Pangulo sa gitna ng mataas na kaso ng COVID sa bansa.

Imahe mula sa Facebook ni Sen . Bong Go

Tiniyak na rin ni PSG commander Brig. Gen. Jesus Durante III na ‘ligtas’ at nasa ‘maayos na kalagayan’ si Duterte at hindi muna ito lumalabas matapos magpositibo sa COVID ang ilang miyembro ng security detail ng Malakanyang.

Loading…