Lolang wala nang paningin sa loob ng 22 taon magaling pa rin sa paggagantsilyo

Imahe via Mikko Kim Argudo | Facebook
  • Kahit wala nang paningin, magaling pa rin sa paggagantsilyo ang isang 80 taong gulang na lola sa Quezon
  • Patuloy pa rin niya itong ginagawa upang mawala ang pagkainip 
  • Ibinida ng kanyang apo ang mga gawa nito sa social media na kinamanghaan naman ng mga netizens

Isang lola mula sa Lopez, Quezon ang hinahangaan ngayon dahil sa galing nito sa paggagantsilyo kahit na wala na siyang paningin.

Imahe via Mikko Kim Argudo | Facebook

Ayon sa proud na apong si Mikko Kim Argudo Satarain, 22 taon nang hindi nakakakita ang kanyang lolang si Fernanda Devera Argudo o Lola Pendang dahil sa katarata ngunit magaling pa rin sa paggagantsilyo ng mga gamit gaya ng pouch, cellphone case, centerpiece, pantakip sa lamesita, TV at laptop. Maliban diyan, gumagawa rin siya ng banig na yari sa buli.

Para makabuo si Lola Pendang ng kanyang obra, inaalalayan lang umano siya sa pamamagitan ng pagsabi sa kulay ng sinulid.

Ang paghabi niya ng banig ay dati niya na ring ginagawa. Kumukuha ng buli mula sa bukid ang lolo ni Mikko na maaaring kulayan para magawan ng disenyo ni lola.

Nakatutulong umano ang libangang ito ni lola para hindi siya mainip.

Ayon sa pahayag ni Mikko sa ABS-CBN nais daw ng kanyang lola na magkaroon ng maiiwang alaala pagdating ng panahon. Ayaw din daw magbenta nito dahil hindi niya alam ang halaga ng kanyang obra at nahihiya siyang baka may mali o hindi ito magustuhan.

Imahe via Mikko Kim Argudo | Facebook

Ibinahagi ni Mikko ang obra ni lola at makikita ang iba’t-ibang disenyo at kulay ng gawa nito. Namangha ang mga netizens dahil sa galing nito kahit na wala na siyang paningin.

Sa ngayon, may nag-iisang hiling lamang si Mikko at ito ay ang mabigyan si Lola Pendang ng hearing aid dahil hindi raw ito nakatanggap nang namigay ng hearing aid sa kanilang lugar.

Sa kuwento ni lola, pinatutunayan na kung ano man ang pagsubok na haharapin natin pagdating ng panahon, huwag nating isiping hadlang ito para maipagpatuloy ang ating mga nakasanayan.

Loading…