‘Nagtitinda lang naman ako, bakit may ganito?’ Online seller sinurpresa ng kasintahang nag-propose sa gitna ng live selling

Images via Rienz Crystal Reyes Viernes | Facebook
  • Kilig na kilig ang mga tumutok sa live selling ng isang babaeng nag-o-online business dahil sa biglaang proposal ng kasintahan nito
  • Sa Facebook live ni Rienz Crystal Reyes Viernes, makikita na biglang lumitaw at lumuhod sa kanyang likuran ang kasintahang si Josephous Sumaylo Ramas
  • Sa sobrang abala ni Rienz ay hindi niya napansin kaagad ang nasa kanyang likod ngunit halatang nasurpresa ito sa kanyang paglingon

Bukod sa mga damit at iba pang items, kilig ang binaon ng mga tumutok sa live selling ng isang babaeng nag-o-online business. Sa halip kasi na ang mga ibinebenta niya ang i-“mine”, matamis na “oo” ang hiningi sa kanya ng kasintahan na bigla na lamang nag-propose sa gitna ng kanyang pagtitinda.

I-click ang larawan para mapanood ang video.

Sa Facebook live ni Rienz Crystal Reyes Viernes, makikita na biglaan na lamang lumitaw at lumuhod sa kanyang likuran ang kasintahang si Josephous Sumaylo Ramas.

Noong una, sa sobrang abala ay hindi napansin kaagad ni Rienz ang nasa likod. Nagpatuloy ito sa pagbebenta at pagtingin ng mga kumento mula sa mga taong nagma-“mine” ng kanyang itinitinda.

Nang sa wakas ay napansin na niya si Josephous, kitang-kita ang magkahalong pagkabigla at tuwa sa surprise proposal ng kanyang pinakamamahal.

“Will you marry me?” nakangiting tanong ni Josephous.

Agad naman tumugon si Rienz, “Yes!”

Kasunod nito ay bumuhos na ang mga kumento at nakatutuwang mga mensahe mula sa mga nanonood ng live selling. Masayang-masaya ang mga ito sa kanilang nasaksihan. Naglabasan na rin sa comments section ang mga kaanak at kaibigan nila na labis ding natutuwa.

Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Rienz ang ilang larawan mula sa espesyal na yugtong iyon sa relasyon nilang magkasintahan.

Aniya, “Nagtitinda lang naman po ako, bakit may ganito? I SAID YES! With feelings! Salamat sa lahat ng nag-wish and nag-greet. I love you, Josephous Sumaylo Ramas.”

Image capture via Facebook

Loading…