Palasyo nagpaliwanag kung bakit ‘di sumipot ang Pangulo sa paggunita ng ‘Araw ng Kagitingan’

Screesnhot from RTVM video
  • Nagpaliwanag ang Palasyo kung bakit hindi dumalo ang Pangulo sa ‘Araw ng Kagitingan’ sa Bataan
  • Iniingatan lang daw talaga ngayon ang kalusugan ng presidente
  • Pinabulaanan din ng Palasyo na ‘edited’ ang mga larawang ibinahagi ni Sen. Bong Go

Nagpaliwanag ang Malakanyang kung bakit hindi nakadalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa ginanap na paggunita sa ‘Araw ng Kagitingan’ ngayon Biyernes, Abril 9, sa Mt. Samat sa Bataan.

Ayon sa pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, nililimitahan muna ang public exposure ng Pangulo bilang pag-iingat sa kaniyang kalusugan lalo pa’t patuloy na mataas ang bilang ng COVID cases sa bansa.

Image via PNA

Ang mensahe ni Roque ay partikular na tumutukoy sa mga ‘naghahanap’ sa presidente nitong mga nagdaang araw matapos muling mag-trending sa Twitter ang hashtag na #NasaanAngPangulo.

“The President’s critics are asking why President Rodrigo Duterte has no public event to commemorate Araw ng Kagitingan. Lest they forget, we are under community quarantine, where gatherings are not encouraged,” ani Roque.

Hindi rin umano maaaring isapalaran ang kalusugan ng 76-anyos na lider, at maging ng kaniyang staff at security details, dahil sa kasalukuyang sitwasyon.

Screesnhot from RTVM video

“Active cases of Covid-19 remain high and we have to ensure not only the safety of the President but also the physical well-being of the staff and the security in charge of the coordination and preparation of the presidential engagement or event,” dagdag pa ng kalihim.

Bukod dito, nilinaw din ni Roque na hindi isang Cabinet meeting ang pinakahuling pag-uusap sa Zoom ng mga opisyal na hindi rin nadaluhan ni Duterte.

Ito raw ay isang ‘informal’ subalit ‘produktibong’ Zoom meeting lamang na dinaluhan ng mga Cabinet secretaries at pinangunahan ni Executive Secretary Salvador Medialdea.

Mariin ding pinabulaan ng Palasyo na ang mga larawang ibinahagi ni Senador Bong Go kasama si Pangulong Duterte ay ‘edited’.

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Bong Go

“As to claims that the recent photos of President Duterte are photoshopped, those who made noise on the matter are the usual detractors of the Chief Executive who see nothing good in what he does. Let them be,” paliwanag ni Roque.

Noong Marso 29 pa huling nagpakita sa publiko si Duterte at nitong Miyerkules ay bigla ring kinansela ang kaniyang nakatakdang lingguhang ‘Talk to the People’ na walang malinaw na dahilan.

Dahil dito, marami ang nagtatanong kung bakit hindi nakikita sa publiko ang presidente at kasabay nito ang mga nagsulputang haka-haka na maaaring may problema nga ito sa kalusugan na hindi isinisiwalat ng Malakanyang.

Loading…