Vlogger nadale ng ‘fake booking’; napilitang magbayad ng P15K sa mga delivery na hindi naman niya inorder

Rosmar Tan| Screenshot mula sa GMA News video
  • Isang babaeng vlogger ang nabiktima ng fake booking kamakailan
  • Sunod-sunod na dumating sa address nila ang mga produktong hindi naman niya inorder
  • Bukod dito, sinubukan rin umano siyang kikilan ng umorder

Isang vlogger ang napilitang magbayad ng halos nasa P15,000 matapos mabiktima ng ‘fake booking’ kung saan may mga dumating na delivery sa kanilang bahay kahit wala naman siyang inorder.

Kuwento ni Rosmar Tan sa GMA News, unang dumating sa kanila ang milk tea na nagkakahalaga ng P300. Kahit nagulat dahil wala naman siyang inorder na milk tea, binayaran na lang niya ito saka ibinigay sa rider ang inumin.

Rosmar Tan| Screesnhot mula sa GMA News video

Subalit makaraan ang ilang oras ay halos sunod-sunod na umano ang iba-ibang pagkain at item na dumating sa address nila. Kabilang na rito ang pizza, shawarma, sitsirya, kape, liempo at iba pa na ang halaga ng bawat isa ay hindi bababa ng P1,000.

Dahil sa galit ng mga nalokong delivery riders ay sinubukan nilang i-text ang umorder na sumagot naman daw at nagbanta pang kikikilan ang vlogger.

“Sabihin mo kay Rosmar bayadan niya tapos gawa siya video sa Tiktok,” sagot ng umorder. “Sabihin mo kay Rosmar bigyan niya ako P5K titigilan ko na siya.”

Rosmar Tan| Screenshot mula sa GMA News video

Bukod dito, may dumating rin umanong email sa Gmail address niya kung saan nasasaad dito na umorder siya ng two-door refrigerator na nagkakahalaga ng nasa P4,000.

Sa kabuuan ay halos nasa P15,000 umano ang halaga ng dumating sa kanilang mga items na hindi naman nila inorder.

Pinayuhan naman si Tan ni P/Brig. Gen. Leo Francisco, Director ng MPD, na makipag-ugnayan sa kanilang Division upang mahuli at mapapanagot kung sinuman ang nasa likod ng panlolokong ito sa kaniya.

Rosmar Tan| Screenshot mula sa GMA News video

Nagbabala rin si Francisco na mas mabigat ang kaparusahan sa mga manlolokong katulad ng gumawa sa naturang vlogger lalo na ngayong nasa pandemya ang bansa.

Maaari umanong makulong nang hanggang sa anim na buwan ang sinumang sangkot sa ganitong scam, ayon sa opisyal.

Loading…